top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

James, Walker, Lillard at Butler, angat na angat

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 1, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 1, 2021





Tumutok ang pansin sa tapatan ng dalawang pinakamalaking karibal sa kasaysayan ng NBA at hindi binigo ng defending champion Los Angeles Lakers ang kanilang mga tagahanga sa 96-95 panalo laban sa Boston Celtics kahapon sa TD Garden. Pumukol ng dalawang sunod-sunod na tres si LeBron James upang maagaw ang lamang, 91-85, at kumapit ang Lakers sa huling apat na minuto sa gitna ng pagbabanta ng Celtics at wakasan ang kanilang dalawang magkasunod na talo.


Ipinasok ni Kemba Walker ang dalawang free throw at sinundan ng dalawang buslo ni Jayson Tatum upang maging isa na lang ang pagitan at 32 segundo ang nalalabi, 95-96, subalit nanaig ang tibay ng depensa ng Lakers para umangat sa 15-6. Bumalik sa aksyon si Anthony Davis matapos lumiban ng isang laro at nagsalpak ng 27 puntos at 14 rebound habang may 21 puntos si James.


Sa ibang mga laro, tumira ng tres si Damian Lillard sabay tunog ng busina upang makatakas ang Portland Trail Blazers laban sa Chicago Bulls, 123-122, at magtapos na may 44 puntos. Galing sa jump ball laban kay Zach LaVine na may 0.7 segundo sa orasan, itinapik ni Gary Trent Jr. ang bola papunta kay Lillard para umangat sila sa kartadang 10-8 habang 7-11 na ang Bulls.


Isang puntos din ang tagumpay ng Miami Heat sa Sacramento Kings, 105-104, salamat sa buslo ng nagbabalik na si Jimmy Butler na may 42 segundo sa laro at hindi na gumalaw ang iskor mula roon. Huling naglaro noong Enero 9, lumiban si Butler ng 10 laro at nagtala ng 30 puntos na sinundan ni Bam Adebayo na may 18 puntos at 11 rebound.


Naglaro na rin sa unang pagkakataon ang Memphis Grizzlies matapos ipagpaliban ang huling limang laban bunga ng protocol at hindi sila nag-aksaya ng panahon sa pagwagi kontra sa San Antonio Spurs, 129-112. Nanguna para sa Grizzlies na huling naglaro noong Enero 18 si De’Anthony Melton na may 20 puntos at Ja Morant na may 19 puntos at 11 assist.


Nagising ang Phoenix Suns sa 4th quarter at iniligpit ang Dallas Mavericks, 111-105, sa likod ng 29 puntos at 12 assist ni Chris Paul at 18 puntos at 17 rebound ni Deandre Ayton. Tabla ang laban, 96-96, subalit bumuhos ng siyam na walang-sagot na puntos ang Suns para sa 105-96 na lamang papasok sa huling minuto. Ginulat ng Charlotte Hornets ang paboritong Milwaukee Bucks, 126-114, para sa ika-siyam na panalo sa 20 laro. Parehong nagsumite ng tig-27 puntos sina rookie LaMelo Ball at beterano Gordon Hayward.


Patuloy ang pag-akyat ng Houston Rockets sa standings matapos padapain ang New Orleans Pelicans, 126-112, at pantay na sila sa 9-9 panalo-talo. Nanguna sa Rockets si Christian Wood na may 27 puntos at Victor Oladipo na may 20 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page