top of page
Search
  • BULGAR

James Harden, nakalipat na sa Brooklyn Nets

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 15, 2021





Natupad na ang pangarap ni James Harden na umalis sa Houston Rockets, ang kanyang koponan buhat pa noong 2012. Pupunta na ang 2018 Most Valuable Player sa Brooklyn Nets kung saan lalo niyang palalakasin ang opensa kasama ang isa pang dating MVP na si Kevin Durant at Kyrie Irving sa palitan ng manlalaro na kasama rin ang Indiana Pacers at Cleveland Cavaliers, ang una para sa kasalukuyang torneo.


Para makuha ang serbisyo ni Harden, ipadadala ng Nets si point guard Caris LeVert sa Pacers at sentro Jarrett Allen sa Cavs. Bilang kapalit ni Harden, nasa Rockets na sina Victor Oladipo ng Pacers, Dante Exum ng Cavs at Rodions Kurucs ng Nets maliban sa mga kasamang draft picks sa hinaharap.

Hindi itinago ni Harden ang nais na lumipat, lalo na noong hindi bumalik si Coach Mike D’Antoni. Dumating siya sa ensayo na wala sa kondisyon, nakipagtalo sa mga kakampi at sa simula ng kasalukuyang torneo ay napatawan ng suspensiyon at multa matapos labagin ang mga health at safety protocol.

Sa kabila ng mga suliranin sa labas ng korte, propesyonal pagdating sa laro si Harden at nagtala ng numerong 24.8 puntos at 10.4 assist subalit hindi ito naging sapat at tatlo pa lang ang panalo ng Rockets sa siyam na laro. Ang kanyang pangunahing kapalit na si Oladipo ay gumagawa ng 20.0 puntos sa siyam na laro para sa Pacers. Mahalaga ang pagdating ni Harden habang nakaliban si Irving. Ilang laro na wala ang matinik na point guard dahil sa hindi malinaw na personal na dahilan.


Inaasahan din na uusbong lalo ang laro nina LeVert at Allen sa kanilang bagong mga tahanan matapos maglaro ng maganda sa mga pagkakataon na lumiban sina Durant at Irving. Si LeVert ang pangatlong may pinakamaraming puntos sa Nets na 18.5 bawat laro habang double-double ang average ni Allen na 11.2 puntos at 10.4 rebound.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page