Isulong ang inobasyon sa pamamagitan ng Math at Science high school kada probinsya
- BULGAR
- Nov 17, 2022
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 17, 2022
Mahalagang isulong ang pagkakaroon ng mga pampublikong math at science high school sa lahat ng probinsya sa bansa. Sa inihain nating Senate Bill No. 476 o Equitable Access to Math and Science Education Act, nais nating magkaroon ng access ang lahat ng mga Pilipino sa dekalidad na edukasyon sa applied sciences, mathematics, at technology upang linangin ang susunod na henerasyon ng mga siyentipiko, mathematicians, inhinyero at iba pang mga propesyonal na nagsusulong ng pag-unlad ng agham at teknolohiya.
Kailangan nating patatagin ang mga sektor na ito para magamit natin sa research and development na daan tungo sa pag-angat ng antas ng ating pamumuhay. Ang ganitong klaseng academic preparation ay para mapayabong ang critical thinking at financial literacy—mga kakayahang mahalaga para sa pagpapaunlad ng ekonomiya, lalo na’t kinakailangan natin ang workforce na mahusay sa science at math.
Lumalabas sa datos ng UNESCO Institute of Statistics na wala pang 200 ang bilang ng mga mananaliksik sa bansa kada isang milyong mamamayan. Ang bilang na ito ang isa sa mga pinakamababa sa mga bansa sa ASEAN.
Kung matatandaan natin ang resulta ng nagdaang 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), pangalawa sa pinakamababang marka sa math and science ang nakuha ng mga mag-aaral nating nakilahok kung ikukumpara sa 79 na bansang nakilahok.
Sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) naman, pinakamababa sa Mathematics at Science ang markang nakuha ng Pilipinas sa 58 na bansang nakilahok. Samantala, 17 porsyento lamang ng mga mag-aaral natin sa Grade 5 ang nakapagtamo ng minimum standards sa Mathematics batay sa Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) 2019.
Ang math at science ang ating pundasyon upang isulong ang inobasyon sa bansa. Kung mapapatayuan natin ang bawat probinsya ng pampublikong math at science high school, matitiyak natin na bawat sulok ng bansa ay magkakaroon ng mahuhusay na Science, Technology, Engineering, Agriculture and Mathematics (STEM) professionals na makatutulong sa ating pag-unlad.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments