top of page

Isinilang sa Year of the Dog, todo-kilatis sa mga tao pero sobrang loyal sa mga kaibigan

  • BULGAR
  • Apr 19, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | April 19, 2022


Sa pagpapatuloy ng Forecast 2022, tatalakayin natin ang pangunahing ugali, katangian at kapalaran ng animal sign na Dog o Aso ngayong Year of the Water Tiger.


Kung ikaw ay isinilang noong 1946, 1958, 1970, 1982, 1994, 2006 at 2018, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Dog o Aso.


Ang Dog o Aso ay Libra sa Western Astrology at nagtataglay ng ruling planet na Venus. Sinasabing higit na matapang, buo ang loob at agresibo ang mga Aso na isinilang sa hating-gabi kung ikukumpara sa mga Aso na isinilang sa umaga o tanghaliang tapat.

Kilala ang Aso sa pagiging makatarungan at mahilig sumimpatya sa mga inaapi at mahihirap, lalo na sa mga underdog, kaya kadalasan, napagkakamalan silang likas na mabait at may pagkapulitiko.


Sa career at propesyon, ang Aso ay kilala rin sa pagiging tapat at maaasahan, lalo na ng kanilang mga amo o sinumang nakatataas sa kanila. Kaya kapag ikaw ay may tauhan o empleyadong isinilang sa Year of the Dog, umasa kang dahil sa pagiging tapat, kasipagan at pagiging dedikado nila sa trabaho, ang inyong kumpanya ay siguradong uunlad at aasenso.


Ganundin sa pamamahala sa tahanan, kung saan ‘pag ang misis mo ay isinilang sa animal sign na Dog, malamang na ang inyong pamilya ay tuloy-tuloy na uunlad at magiging maligaya, habang ang iyong mga anak at ang inyong tahanan ay inaasikaso ng mapag-arugang Aso.


Sa pakikipagkaibigan, sinasabing hindi mo basta makukuha ang tiwala ng Aso, dahil bago ka niya maging bestfriend, kikilalanin ka muna niya nang mabuti bago niya ipagkatiwala ang loob niya sa iyo. Subalit kapag naging kaibigan mo siya, tulad ng nasabi na, siya naman ay magiging mabuti at tapat sa iyo habambuhay.


Sa panahon namang magkaibigan na kayo ng Aso, ‘wag na ‘wag mo siyang lokohin dahil ikaw ay tiyak na sasakmalin niya at sa kanyang paghihiganti, magugulat ka dahil sa hindi mo inaasahang sandali, mas magiging mapusok ang gagawin niyang paghihiganti sa iyo.


Gayundin, ang Aso ay madalas na nagdadalawang-isip at imbes na kumilos siya, nakakahadlang ang pagdadalawang-isip na ito upang magawa niya ang mga bagay na kanyang pinaplano.


Ang pag-aalinlangan at pagdadalawang-isip ang nagiging hadlang, kaya ang Aso ay napagkakamalang medyo tamad at nagde-day dreaming lamang maghapon, pero ang totoo, nalilito lang talaga siya kung ano ang dapat gawin.


Samantala, sinasabing kapag naiwasan ng Aso ang pagdadalawang-isip at sa halip ay aksiyon agad ang ginawa niya, walang duda na ang pag-unlad, tagumpay at ligaya ay mapapasakanya, hindi lang sa taong ito ng 2022 kundi maging sa buhong buhay niya.


Itutuloy


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page