Isang travel line, indikasyon ng paulit-ulit na tagumpay sa pag-a-abroad
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 15, 2022

KATANUNGAN
Iisa lang ang nakita kong Travel Line sa aking palad at dati na akong nakapag-abroad. Inaalala ko na baka hindi na ako ulit matuloy sa pangalawang pag-a-apply ko ngayon. Ibig bang sabihin ng isang Travel Line, isang beses ka lang makakapag-abroad at hindi na mauulit pa?
Natatakot ako na hindi matuloy sa pangalawang pag-a-apply kong ito, gayung sa Europe pa naman ang destination ko. Ano sa palagay mo, Maestro, may nakaguhit pa bang ikalawang Travel Line sa aking palad? Kung mayroon, magiging produktibo rin ba ito tulad ng una kong pag-a-abroad?
KASAGUTAN
Alam mo, kung isusulat ang lahat ng naranasang travel ng isang tao sa buong buhay niya, hindi ito kakasya sa kaliwa at kanang palad, lalo na ang mga indibidwal na nakapag-around the world na at nagpapabalik-balik pa sa iba’t ibang bansa.
Kaya kapag pag-uusapan ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.), sapat na ‘yung isang mahaba, malinaw, walang bilog, walang nakaharang na guhit, ‘di nalatid o nalagot, at siyempre, mas maganda kung napakahaba o napakalawak tulad ng inilalarawan ng Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay nangangahulugang walang hadlang at palaging produktibo ang itatalang paglalakbay sa iyong karanasan, na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng birth date mong 5 na nagkataong 5 rin ang iyong destiny number. Tanda na wala talagang kaproble-problema sa mga pag-a-abroad na mararanasan, higit lalo kung isasaalang-alang na sa edad mong 32, bata ka pa at nasa kasiglahan ang iyong edad. Gayundin, bakas sa iyong sulat kamay at lagda ang masigasig at puno ng enerhiyang indibidwal na nangangahulugang nasa peak o rurok ng mga tagumpay at kasibulan ang panahong ito ng iyong buhay.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maxine, kahit isa lang ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, okey lang ‘yan dahil malinaw, good looking at malawak naman ang nasabing guhit ng paglalakbay.
Ibig sabihin, malinaw na tanda na lahat ng pangarapin mong bansa na marating, walang duda, ang “square type” mong palad ang lalo pang nagpapatunay at nagpapatibay na mararating mo lahat ‘yan – at ang karanasang ito, ayon sa iyong Travel Calendar ay magsisimulang maganap sa pagbungad ng susunod na taong 2023.




Comments