Isang marriage line, indikasyon na makakapag-asawa kahit 36-anyos na
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 4, 2022

KATANUNGAN
Sa edad kong 36, nakakahiya mang aminin, hindi pa ako nagkaka-boyfriend, pero may isang kasamahan ako sa church na may gusto sa akin. Palagi siyang nagte-text at nagse-send ng sweet messages at friend ko rin siya sa social media. Dati siyang may girlfriend na kasama rin namin sa choir.
Parang nagkakagusto na rin ako sa kanya, pero natatakot ako dahil kapag sinagot ko siya ay baka kantiyawan ako ng mga kaibigan ko dahil malaki ang agwat ng edad namin. Tulad ng nasabi ko, 36 na ako habang siya naman ay 27, bale 9 years ang age gap namin. Naguguluhan ako ngayon kung dapat bang siya ang maging boyfriend ko o mas mabuting maghintay na lang ako ng lalaking hindi nalalayo ang edad sa akin?
Sa palagay mo, Maestro, ano ang dapat kong gawin, siya na ba ang lalaking hinihintay ko o may darating pang ibang lalaki sa aking buhay? Sabi kasi ng mga kapatid at magulang ko, baka may dumating pa dahil bata pa naman daw ako. Litong-lito na ako, kaya sana ay matulungan n’yo ako.
KASAGUTAN
Huwag ka nang mag-alinlangang sagutin ang kasalukuyan mong manliligaw kahit siyam na taon pa ang agwat ng inyong edad o mas matanda ka sa kanya. Sapagkat ang malinaw at kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing, ngayon ka na magkaka-boyfriend sa tanang buhay mo, basta’t ‘wag kang makikinig sa mga paninira at kuro-kuro ng iba. Sa halip, ang pakinggan mo ay ang tinitibok ng iyong puso.
Sa ganyang paraan, ‘pag sinunod mo ang gusto ng puso mo, mararanasan mo na ring magka-boyfriend. Pagkatapos nito, mawiwili ka pang makipagrelasyon, pero hindi na aabot du’n ang mga pangyayari. Dahil tulad ng nasabi na, iisa lang ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arriow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na ang unang magiging boyfriend mo ang siya na ring magiging huli at panghabambuhay mong makakasama.
MGA DAPAT GAWIN
Sulsol, paninira, discouragement at mga negatibong salita na nagmumula sa ibang tao ang palaging pumupurnada sa napakagandang plano ng pag-ibig o pakikipagrelasyon sa isang weak o mahinang nilalang. Ang hindi alam ng mahinang nilalang na ito, kung hindi lang siya makikinig sa mga paninira o discouragement ng mga taong nakapaligid sa kanya, sana ay noon pa siya naging maligaya.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Daisy, tulad ng nasabi na, ‘wag kang makinig sa ibang tao kahit sila ay mga close friends mo pa. Dahil sa edad mong 36, kung tutuusin ay hindi ka na bata, kaya ang dapat mong sundin ay ang tinitibok ng iyong puso at ang sarili mong pagpapasya. Kapag ginawa mo ‘yan, tiyak ang magaganap, sa pakikipagrelasyon sa kasalukuyan mong manliligaw, kahit sabihin pang nine years ang agwat ng inyong edad, walang duda na magiging boyfriend at mapapangasawa mo siya hanggang sa habambuhay na kayong lumigaya.




Comments