top of page

Isang marriage line, indikasyon na maikakasal sa live-in partner

  • BULGAR
  • Jul 23, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 23, 2022




KATANUNGAN

  1. May live-in partner ako at may anak na kaming babae na 2-anyos. Nasabi ko na minsan sa kanya na magpakasal kami upang maayos ang birth certificate ng bata, pero hindi siya kumibo, sabagay, sadyang hindi palakibo ang mister ko.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang malaman kung makikita ba sa guhit ng aking mga palad kung papakasalan pa ako ng live-in partner ko o habambuhay na lang kaming ganito hanggang sa madagdagan ang aming anak?

  3. December 12, 1992 ang birthday ko, habang August 9, 1989 naman ang birthday ng partner ko. Compatible ba kaming dalawa at magtatagal ba ang aming pagsasama?

KASAGUTAN

  1. Papakasalan ka ng live-in partner mo kung pipilitin mo– ito ang nais sabihin ng mahaba, makapal at kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na maaaring ang unang seryoso at pangmatagalang relasyon ang iyong makakatuluyan at makakasama habambuhay, na kinumpirma ng zodiac sign mong Sagittarius at Leo naman ang partner mo.

  2. Tunay ngang sa Western Astrology at statistical data, sa tuwi-tuwina, ang Leo at Sagittarius ay nagkakatuluyan at may pangako rin ng maunlad at panghabambuhay na pagsasama, sapagkat ang mga naturang zodiac signs ay kapwa nagtataglay ng elementong fire o apoy.

  3. Ang pag-aanalisang magiging maligaya ang inyong pagsasama, kasal man kayo o hindi ay madaling kinumpirma at pinagtibay ng maayos, walang bilog at hindi rin nalatid na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.), na mapapansing nakatuntong pa sa Mount of Jupiter na tinatawag ding Bundok ng Kaligayahan (arrow c.). Ibig sabihin, ang nasabing pagsasama sa kasalukuyan — moral man o immoral — ay nakatakdang mamunga ng maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Tunay ngang ang pagpapakasal ay maraming beses nang napatunayang hindi nagiging selyo upang hindi na maghiwalay ang mag-asawa at mapanatili ang pagsasama habambuhay. Sapagkat maraming beses nang nangyari sa iba na ikinasal sa civil wedding, ikinasal pa sa simbahan, pero nakalulungkot makitang pagkatapos ng ilang taong pagsasama ay naghiwalay pa rin ang mag-asawa.

  2. Subalit, hindi porke hindi nagiging selyo o pandikit na magbubuklod sa panghabambuhay na pagsasama ang matrimonyo ng kasal ay gagamitin mo na itong dahilan upang hindi mo pakasalan ang iyong kasintahan o kinakasama. Sapagkat kailangan ang matrimonyo ng kasal, hindi lang bilang daluyan ng grasyang temporal, bagkus ay basehan ng mga legal papers na kailangan ng inyong mga magiging anak, higit lalo kung kayo ay yumaman at magkaroon ng maunlad na pamumuhay.

  3. Nona, ayon sa iyong mga datos, kailangang yayain at pilitin mo ang iyong kinakasama na magpakasal ngayong 2022, sa buwan ng Nobyembre o Disyembre bago tuluyang madagdagan ang inyong anak. Gayundin, upang maging legal at moral ang inyong pagsasama na nakatakda namang maging maligaya, lalo pang suwertehin at nakatakda ring magiging panghabambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page