Isa at magandang marriage line, indikasyon na magiging maligaya ang papasuking pagpapamilya
- BULGAR

- Aug 21, 2020
- 1 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| August 21, 2020

KATANUNGAN
Kung sakaling tapos na ang COVID-19 pandemic, nagbabalak na kaming magpakasal ng boyfriend ko sa 2021. Gusto kong malaman kung anong buwan magandang magpakasal?
Halimbawang kasal na kami, magiging maunlad, maligaya at panghabambuhay na ba ang papasukin naming pagpapamilya?
KASAGUTAN
Kapansin-pansing maayos at maganda ang pagkakaguhit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kung matagal na kayong magkarelasyon ng boyfriend mo at nagmamahalan naman kayo nang tapat, puwedeng-puwede na kayong magpakasal sa 2021.
Sapagkat ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (arrow a.) ay madali namang kinumpirma ng walang bilog, hindi nalatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter na tinatawag din nating Bundok ng Kaligayahan (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matapos kayong maikasal, ang papasuking buhay-pag-aasawa ay sigurado namang uunlad at walang duda na maging matagumpay at habambuhay na magiging maligaya.
MGA DAPAT GAWIN
Irish, ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing mapalad at suweto kayong magsama at magpakasal sa susunod na taon. Mas okey o mas mainam kung sa buwan ng Mayo o Oktubre, sa mga piling petsang 1, 10, 19, 28 itutuon o gaganapin ang nasabing kasalan.
Gayundin, mainam kung itapat ang kasal sa panahong papabilog o papalaki ang buwan sa kalangitan (first quarter or full moon), upang tulad ng buwan, magiging papabulas at papaunlad din ang itatayo n’yong pamilya habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.




Comments