top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Irving, James, Booker at Lavine, mababagsik

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 12, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 12, 2021





Tinapos ng Brooklyn Nets ang kanilang tatlong sunod-sunod na pagkatalo at binigo ang Indiana Pacers, 106-96, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Barclays Center. Umabot ng 36 ang lamang ng Nets (15-12) sa 3rd quarter, 69-33, at hindi na nakaahon ang Pacers (12-13).


Bumuhos ang 35 puntos ni Kyrie Irving at nagdagdag ng 19 puntos si James Harden. Hindi pa rin pinalaro si Kevin Durant bilang bahagi ng COVID-19 protocol subalit may posibilidad na bumalik na siya sa susunod na laro kontra sa dating koponan na Golden State Warriors sa Pebrero 14.


Samantala, naglabas ng pahayag ang NBA sa lahat ng koponan na patugtugin ang pambansang awit bago magsimula ang laro bilang bahagi ng matagal nang patakaran ng liga at kasabay ng unti-unting pagbalik ng mga manunood sa mga palaruan. Umani ng kontrobersiya ang Dallas Mavericks at ang kanilang may-ari na si Mark Cuban matapos iutos nito na huwag patugtugin ngayong taon ang “Star Spangled Banner” sa kanilang mga laro sa American Airlines Center bilang bahagi ng lumalagong protesta sa kakulangan ng hustisya sa lipunan.


Sa ibang laro, umabot sa overtime sa ikalawang sunod na laro at nanaig muli ang defending champion Los Angeles Lakers sa makulit na Oklahoma City Thunder, 114-113. Nagtala ng 25 puntos si LeBron James subalit mahalaga ang kanyang depensa sa huling segundo para sa ika-anim na sunod na panalo.


Ipinanalo ng free throw ni Devin Booker na may 32.6 segundo sa laban ang Phoenix Suns sa Milwaukee Bucks, 125-124. Nanguna si Booker na may 30 at 28 naman si Chris Paul. Walang nakapigil kay Zach LaVine at sinagasaan ng Chicago Bulls ang New Orleans Pelicans, 129-116. Pumukol ng 46 puntos si LaVine.


Panahon para magpasikat ang ibang mga kasapi ng Denver Nuggets sa 133-95 tagumpay sa Cleveland Cavaliers. Nanguna sa Nuggets si Paul Millsap na may 22 puntos. Bumalik sa panalo ang Los Angeles Clippers laban sa kulelat na Minnesota Timberwolves, 119-112, at manatiling sa ikatlong pwesto sa Western Conference sa kartadang 18-8. Nagsabog ng 36 puntos si Kawhi Leonard at 27 si Lou Williams upang takpan ang patuloy na pagliban ni Paul George dahil sa namamagang paa.


Patuloy din ang pagbawi ng Dallas Mavericks at nalusutan ang Atlanta Hawks, 118-117, ang kanilang ikatlong sunod na panalo. Nanguna sa Mavs (12-14) sina Luka Doncic na may triple double na 28 puntos. Nagpamalas ng matinding opensa ang Toronto Raptors upang tambakan ang biglang gumuhong Washington Wizards, 137-115. Namuno si Norman Powell na may 28 puntos. Nanambak din ang Memphis Grizzlies kontra sa Charlotte Hornets, 130-114.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page