Search
  • BULGAR

Iranian, giniba ang kampanya ni Norwood sa Fiba Dunk

ni Anthony Servinio - @Sports | June 28, 2020




Kahit nabitin sa kanyang lakbay sa patimpalak ng FIBA Dunk of the Decade, nanatiling positibo si Gabe Norwood ng Gilas Pilipinas at Rain Or Shine. Nagwakas ang kanyang kampanya matapos talunin ni Arsalan Kazemi ng Iran, 60-40, sa Asia-Oceania Finals.


Lumamang agad si Norwood subalit unti-unti bumawi ang Iranian at inagaw ang kalamangan sa huling dalawang araw ng botohan sa FIBA website. Haharapin ngayon ni Kazemi ang kampeon ng Amerika na si Rafael Mineiro ng Brazil sa semifinals at ang magwawagi ay lalabanan ang mananalo sa kampeon ng Europa na sina Kristaps Porzingis ng Latvia at kampeon ng Aprika Carlos Morais ng Angola para sa natatanging karangalan.


Ang pagkabigo ni Norwood ay nagbalik ala-ala sa kanyang unang sabak sa Gilas noong 2007 FIBA Asia Cup sa Tokushima, Japan kung saan natalo sila sa Iran, 69-75, sa pagbukas ng torneo. Sa isang panayam sa FIBA, inamin niya na maaring mag-iba ang kapalaran kung hindi nabunot ang Pilipinas upang harapin agad ang Iranian.


Bumawi ang mga Pinoy at tinalo ang Tsina, 79-74, ngunit sinundan ito ng talo sa Jordan, 76-84, at natigil ang balak nilang makalaro sa 2008 Beijing Olympics. Ayon kay Norwood, gusto sana niyang makalaro ang Tsina na kumpleto dahil bilang punong-abala ng Olympics, pasok na sila kaya mga reserba nalang ang pinapunta sa Tokushima.


Bilang isang baguhan at bunso ng koponan, hindi siya nakaligtas sa kulitan ng mga beterano gaya ni Mick Pennisi na sinulatan ang kanyang panlarong sapatos ng “Obama” dahil kamukha daw niya ang noon na sumisikat na kandidato para sa pagka-Pangulo ng Estados Unidos. Sa isang hiwalay na panayam, binanggit ni Norwood na ang kanyang mga kakampi noong 2007 ang pinakamalakas na Gilas na nilaruan niya.


Makikita pa ba ng mga tagahanga si Norwood sa 2023 FIBA World Cup sa Pilipinas? “I don’t know, unless they’re having a reunion and they call us back, maybe,” sagot ni Norwood na may kasamang tawa.


“The World Cup is going to be huge for the country and for Basketball fans, I’m just super excited to see how it plays out, especially with what’s going on in the world right now,” dagdag ni Norwood. “This might be the tournament that really welcomes everybody back to the game and what a better way to do it than being here in the country of the Philippines.”

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.