Inlab pa rin sa ex-bf kahit pamilyado na
- BULGAR
- Nov 1, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 1, 2021
Dear Maestro,
May boyfriend ako noong college, mabait siya pero hiniwalayan ko dahil pareho kaming mahirap. Hanggang sa nag-asawa siya at nagkaroon ng tatlong anak, pero naghiwalay din sila dahil nagloko ‘yung babae.
Matapos ang sampung taon, nagkita kami at ramdam naming mahal pa rin namin ang isa’t isa. Palagi siyang tumutulong ‘pag kailangan ko siya at napatunayan ko na hindi pera ang importante sa buhay ng isang tao. Sa pag-aasawa, mas importante pala na nagmamahalan kayong dalawa at mas masarap kung ang kasama mo ‘yung taong mahal mo.
Gusto kong malaman kung may pag-asa pa ba kaming magkabalikan at kami rin ba ang magkakatuluyan? Sabi kasi niya, ipina-annul na niya ang kasal niya para ‘pag malaya na siya ay papakasalan niya ako dahil labis niya akong mahal at kahit minsan ay hindi niya ako nakalimutan. Mahal na mahal ko rin siya kaya nagsisisi ako na iniwan ko siya dahil lang sa takot na maghirap kung sakaling kami ang magkakatuluyan.
Ang problema, Maestro, kung siya ay hiwalay sa asawa, ako ay may tatlong anak at hindi naman hiwalay sa asawa. Pero sabi niya, handa siyang maghintay at hindi siya nagmamadali, dahil ang mahalaga raw ay magkaibigan at nagkakasama kami kahit na paminsan-minsan lang. Mahal na mahal daw niya ako at handa siyang maghintay gaanuman katagal, at kapag malaya na ako ay magpakasal at magsama na kami habambuhay. May 19, 1980 ang birthday ko.
Umaasa,
Deseriel ng San Felipe, Basud, Camarines Norte
Dear Deseriel,
Ang mismong tao ay maaaring maghintay gaanuman katagal, ngunit ang sensuwal na katawan at hangal na damdamin ay sadyang mainipin. Ito rin ang dahilan kaya minsan, ‘yung ibang kabataan ay biglang nabubuntis ng kanilang kasintahan. Tulad ng naipaliwanag na, matino at may wisyo ang isip, at palagi niyang sinasabi, “Nanay, bakit ka naman walang tiwala sa akin, gayung malaki na ako at alam ko na ang mabuti at masama?”
Bagama’t alam ng tao ang mabuti at masama, makapaghihintay nga siya sa matagal na panahon bago mag-asawa o makipagtalik, ang tunay na mahina ay ang sensuwal na katawan at hangal na damdamin na sa sandaling nadarang ay agad ding nag-iinit at napapalautan.
Nawala ang katwiran ng isang bata nang unti-unting naranasan ang nakakikiliti at masarap na romansang dulot ng dalawang katawan na magkatabi at dalawang pusong humulagpos sa kawalan upang mag-ibigan.
Kaya Deseriel, kung matino ka at wala naman kayong problema ng iyong asawa, halimbawang mabait at good boy naman ang mister mo, hindi mo dapat isakripisyo ang iyong pamilya sa pagbabalikan n’yo ng iyong ex-boyfriend, kahit sabihin pa nating mahal n’yo ang isa’t isa.
Tandaang kapag ang matino at maayos na pamilya ay isinakripisyo mo dahil lamang sa pagdudugtong ng nausyami at nakaraan n’yong pag-ibig ng ex-boyfriend mo, tiyak ang magaganap — magiging produkto ng broken family ang iyong mga anak. At sa sandaling sila naman ang nag-asawa at nagkapamilya, tulad ng ginawa sa kanila ng kanilang sariling ama at ina, malamang na ganundin ang mangyayari sa kanilang magiging pamilya.
Upang minsan pa, sa sandaling itinanim ang buto ng kaimoralan at pagkakamali sa isang pamilya, parang inilagay sa masaganang lupa na kusang tutubo ang marami pang binhi ng kaimoralan at pagkakasala.
Kaya pansinin mo, kapag lahi ng sugarol, bihira sa kanilang magpipinsan ang hindi sugarol. Kapag lahi ng babaero, bihira sa kanilang pamilya ang hindi babaero, at kapag lahi ng matatalino at matitinong nilalang, bihira sa kanila ang hindi matatalino at may matinong pamilya.
Kaya magtanim ka ng kabutihang asal sa iyong mga anak ngayon, habang isakripisyo mo ang pansarili mong kaligayahan. Sa ganyang paraan, mas malaking pagpapala ang aanihin mo sa kinabukasan, sapagkat ang pag-ibig na may hibo ng sensuwal na katawan at balighong damdamin, ay nagawa mong i-convert sa pagmamahal sa iyong mga anak at sa mas pinahahalagahan mong pamilya.
Sa ganyang paraan, kapag matandang-matanda ka na o kapag nawala ka na sa mundo ay nakapagtanim ka ng mabuting binhi sa iyong mga anak dahil hindi mo sila nakaranas ng broken family, sa kanilang paglaki, tulad ng ginawa mo, mamahalin, ipe-preserba at mas pahahalagahan din nila ang buo, masaya at sama-samang pamilya habambuhay.
Comments