top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Iniwan ng bf para sa nabuntis na ex-gf, ibang guy ang makakatuluyan

BULGAR
Apr 21, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 21, 2022


Dear Maestro,


Mahal na mahal ko ang aking boyfriend, pero nakipag-break siya dahil nabuntis niya ang ex-girlfriend niya at kung hindi niya raw ito papakasalan, idedemanda siya ng rape ng mga magulang nito sa probinsya. Wala akong nagawa dahil buo ang loob niya na magpakasal sa babaeng ‘yun. Naiyak na lang ako nang sabihin niya ‘yun, kasabay ng pagsisisi at awa sa aking sarili. Naipagkaloob ko na kasi sa kanya ang lahat pati na rin ang aking pagkababae at marami na rin kaming masasayang pinagsamahan.


Sa ngayon, parang nawalan na ako ng ganang mabuhay at umaasa man akong babalik siya, parang hindi na ito mangyayari. Mula kasi nang umuwi siya sa probinsiya ay hindi na siya bumalik. Mabigat na mabigat ang loob ko sa ginawa niya matapos akong umasa at maghintay at ganu’n lang pala ang mangyayari.


Sa totoo lang, parang gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Maestro, sabihin mo ang totoo, sa sitwasyon ng buhay ko, may lalaki pa bang magkakagusto at iibig nang tapat sa akin? Natatakot akong paglaruan na lang ako at iwanan ng mga lalaking magkakagusto sa akin. November 7, 2000 ang birthday ko.



Umaasa,

Micca ng Santa Inez, Tanay, Rizal


Dear Micca,


Huwag ka masyadong maawa sa iyong sarili at ‘wag mo ring isipin na tapusin ang iyong buhay, alalahanin mong kahit iniwan ka ng boyfriend mo, okey lang ‘yan!


‘Yung iba nga, iniwan ng asawa pero naka-move on at nakapag-asawa ulit, samantalang ikaw ay iniwan lang ng boyfriend. May iba pa na nasira at nawasak ang pamilya, pero naka-move on at muling nakapagtayo ng ikalawa at mas masayang pamilya, habang pansamantala lamang nawasak ang iyong puso at siguradong paglipas ng panahon, ang sugat ay gagaling at maghihilom din.


‘Ika nga, “Be optimistic, always,” upang maging masagana at maligaya ang maikli nating karanasan sa mundong ito. Kapag nakakita ka ng tinik sa mga rosas, ‘wag mong pagmasdan ang tinik, sa halip, ang malasutla at kulay pula niyang talulot ang pagtuunan mo ng pansin. Kapag nakakita ka ng basong kalahati lang ang laman na tubig, isipin mong malapit nang mapuno ng tubig ang nasabing baso, sa halip na magpokus ka sa kakulangan nito.


Sa bawat pagdatal ng dilim, alalahanin mong sumasapit ang umaga at sa bawat pagpatak ng ulan, nagkukulay berde ang mga dahon at namumulaklak ang mga halaman.


Ganundin ang ating buhay, lalo sa aspetong pag-ibig. Minsan ay kailangang mawala ang ating minamahal upang lalo nating pahalagahan ang susunod na pakikipagrelasyon. Kasabay nito, mas malalasahan natin ang tunay na tamis ng mas tapat at masayang pag-ibig na malapit nang dumating sa susunod na mga araw, buwan at taon.


Binibigyan tayo ng aral o leksiyon ng mga kabiguang ito upang sa susunod na pagliko ng pasikot-sikot na landas ng buhay, ganap na tayong maging matatag at maunawaan natin ang tunay na esensiya at kahulugan ng “buhay” at “pag-ibig”.


Kaya sa bawat kabiguang dumarating, sa pagkawasak ng puso, paglisan ng minamahal, pagkawala ng career o hanapbuhay, paghihiwalay ng mag-asawa, pagkawasak ng pamilya, frustration sa pangingibang-bansa, mga karamdamang nagpapahirap sa araw-araw nating buhay – mas mainam kung haharapin natin ito nang may galak, katatagan at tiwala sa ating sarili at kay Lord, na ang lahat ng ito ay lilipas din upang pagkatapos ay mag-iwan ito ng bagong binhi o buto ng gintong aral sa ating sarili. At sa binhing ito, sisibol ang mas maunlad, bago at mas masayang pag-ibig.


Sa kaso mo, Micca, kahit naipagkaloob mo na sa ex-BF mo ang iyong pagkababae, walang kaugnayan ‘yun sa takdang kapalaran na muli kang magkaka-boyfriend at makapag-aasawa. Sa susunod na pakikipagrelasyon, tiyakin mo na ang lalaking iyong pipiliin ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Cancer, Taurus, Pisces o kapwa mo Scorpio, na may birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 9, 18, at 27. Sapagkat sa piling ng mga lalaking nabanggit, hindi ka na nila iiwan, bagkus, makakasumpong ka na ng tapat at panghabambuhay na pag-ibig na hahantong sa panghabambuhay na pagpapamilya na nakatakdang mangyari sa susunod taong 2023 at sa edad mong 23 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page