Ininsulto ng kaibigan, pahiwatig ng hiwalayan sa dyowa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 30, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lourdes ng Bulacan.
Dear Maestra,
Dalangin ko na nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan sa sandaling mabasa n’yo ang aking liham. Nais kong magpaanalisa sa inyo ng aking panaginip.
Napanaginipan ko na hindi sinasadyang nagkita kami ng dati kong kaibigan. Nakasalubong ko siya sa mall, pero nagtaka ako dahil sa halip na ngitian niya ako ay ininsulto niya ako. Nilait niya ang pagkatao ko at muntik ko na siyang patulan, pero nagpigil ako dahil maraming tao na nakatingin sa amin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lourdes
Sa iyo, Lourdes,
Hindi maganda ang ibig sabihin ng panaginip mo dahil maghihiwalay kayo ng karelasyon mo dahil sa isang bagay na hindi n’yo mapagkasunduan. May posibilidad na mauwi ito sa away at matinding pagtatalo hanggang tuluyan na kayong magkahiwalay. Magpapatuloy ang ganito n’yong kalagayan hangga’t hindi ka nagbabago ng pananaw sa buhay.
Kaya naman ipinapayo ko na dapat maging malawak ang isip mo at dagdagan mo pa ang iyong pasensiya. Matuto kang umunawa sa pagkukulang ng iba, lalo na sa karelasyon mo kung gusto mong magkabalikan kayo at huwag masira nang tuluyan ang inyong pagsasama.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments