top of page

Imbestigasyon sa flood control projects, tiyaking may mananagot

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 24, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | August 24, 2025



Editorial


Tuwing tag-ulan, paulit-ulit ang senaryo, lubog ang kalsada, lumulutang ang basura, at may mga pinipilit magsalba ng buhay sa gitna ng mataas o rumaragasang baha. 

Nakakalunod hindi lamang ang tubig kundi ang galit at pagkadismaya. Hindi na lang ito tungkol sa ulan — ito’y resulta ng kapabayaan at katiwalian.


Sa wakas, kumikilos na ang pamahalaan. Inilunsad ang malawakang imbestigasyon sa bilyones na halaga ng flood control projects na pinondohan mula taong 2022. 

Lumabas ang mga umano’y ghost projects, substandard na konstruksyon, at kahina-hinalang kontrata. 


May mga lugar na binigyan ng pondo, pero walang bakas ng proyekto. May mga contractor na umano’y nakuha ang bilyun-bilyon, pero palpak pa rin ang resulta.


Kung totoo ang mga paratang, hindi lang ito simpleng kapalpakan — ito ay tahasang pag-abuso sa pondo ng taumbayan. Sa gitna ng paghihirap ng ordinaryong Pilipino, may mga kumikita mula sa pagbaha.


Kaya dapat lang na huwag tantanan.


Hindi sapat ang imbestigasyon kung walang mapapanagot. Kailangang pangalanan ang mga opisyal, kontratista, at mambabatas na may kinalaman sa kapalpakan. Hindi dapat pagtakpan. Hindi dapat pagbigyan. At higit sa lahat, hindi dapat hayaang makalusot.


Kung walang mapaparusahan, ano pa ang silbi ng imbestigasyon? 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page