Ilang Filipino seafarer, hindi umano tinanggap sa mga bagong may-ari ng barko
- BULGAR

- Aug 16, 2020
- 2 min read
ni Thea Janica Teh | August 16, 2020

Hindi umano tinatanggap ng mga bagong ship owners ang mga Filipino seafarer sa pagpapalit ng crew sa Manila Bay port, ayon sa former administrator ng Maritime Industry Authority (Marina) Dr. Marcial “Al” Amaro III.
Sa isang pahayag, sinabi ni Amaro na walang kinuhang crew na Filipino sa mga bagong ship owner. Kuwento pa niya, tatlo sa sinampahan nitong barko ang nagkaroon ng crew changes dahil nagpalit umano ito ng may-ari. Desisyon na umano ng may-ari kung sino ang kukuhaning nationality ang magtatrabaho sa kanila.
Malungkot din nitong sinabi na karamihan sa mga kinuha ay mula sa Myanmar, Indonesia at Burmese. Aniya, “it would be very political when I am going to talk about it.”
Ayon pa kay Amaro na siya ring CEO ng Strategic Maritime Solutions Corporation, nasa 20 barko ang nagsasagawa ng crew changes sa Manila Bay kada linggo. Nag-aagawan umano ang mga ito ng service boat sa Manila bay ngayon.
Sabi pa ni Amaro, sa ibang bansa, ang reception at pag-release ng seafarer sa crew changes ay hindi magandang gawain dahil sa pagkalat ng COVID-19.
Aniya, “Actually, nag-iingat din sila na maapektuhan 'yung kanilang tao na mahawa o kaya nag-iingat sila na baka 'tong mga seaman na ito may dalang virus, kaya iniingatan din nila, kaya ganun kahigpit.”
Sa Pilipinas, binuksan ng gobyerno ang “green lane” para sa free movement ng seafarer at personnel sa labas ng border.
Maganda umano ang ginawa ng gobyerno ayon kay Amaro dahil may ginawang facility para sa seafarer, ngunit, ang mga seaman ay hindi gumagalaw sa Pilipinas lamang. Pumupunta rin ang mga ito sa ibang lugar at kailangan itong intindihin dahil kailangang sundin ang patakaran ng bansa.





Comments