Ikalawang marriage line, tanda na ‘di makakabalikan ang asawang may iba na
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | February 23, 2022

KATANUNGAN
Naghiwalay kami ng mister ko dahil nambabae siya, pero sabi niya, kahit hiwalay na kami ay itutuloy niya ang pagsusustento sa mga bata, kaya hinayaan ko na siya. Sabi kasi niya nang tinanong ko kung mahal niya pa ako, “medyo” na lang daw dahil mas mahal niya na ‘yung bago niya. Sa isip-isip ko, tutal nag-usap naman kami nang maayos, umalis na siya at bihira nang dumalaw sa bahay, pero regular namang ibinibigay ang aming sustento. Ngayon, umiibig ako sa lalaki na hiwalay din sa asawa dahil hindi lang naman siya ang puwedeng maging maligaya. Pero hindi niya na raw ako susustentuhan kapag may iba na akong lalaki.
Gusto kong malaman, Maestro, kung magkakabalikan pa ba kami? Kahit kasi umiibig ako sa ibang lalaki, mahal ko pa rin ang aking asawa, at kaya ko lang sinagot aking boyfriend ay dahil wala akong karamay sa mga problema ko. Siya lang ang tumutulong at umaalalay sa akin ngayon.
Sino sa dalawang lalaking ito ang makakasama ko habambuhay? Kasi kahit na papaano, hindi pa rin nawawala sa isip ko na isang araw ay babalikan ako ng aking mister. Ano ang nakaguhit sa aking palad, babalik pa ba ang asawa ko o hindi?
KASAGUTAN
Hindi na babalik ang iyong asawa, sapagkat kitang-kita kung paano nabiyak at tuluyang nawasak ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa iyong mga palad. Ibig sabihin, malabo nang mabuo muli ang inyong relasyon, bagama’t patuloy pa rin kayong nag-uusap bilang magkaibigan at magkakilala.
Samantala, dahil may ikalawang mas malinaw, matino at mahabang Marriage Line (Drawing A, at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay malinaw na tanda na ang ikalawang lalaking darating sa buhay at karanasan mo ang magiging panghabambuhay mong makakasama. At kahit mahal mo pa ang iyong unang asawa, sa ikalawang lalaki o ang kasalukuyan mong boyfriend, ikaw ay nakatakdang lumigaya at siya na rin ang habambuhay mong makakasama.
DAPAT GAWIN
Almira, huwag mo nang asahan na babalik pa ang tunay mong asawa. Sapagkat nilinaw na ng iyong mga datos na kung umalis siya at sumama sa iba, magtutuloy-tuloy ang relasyon nila habambuhay. Habang ikaw, sa ikalawa mong lalaking mapapangasawa, na sa kasalukuyan ay boyfriend mo na, tulad ng naipaliwanag na, siya na ang makakasama mo habambuhay at sa piling ng nasabing lalaki na may zodiac sign na Taurus, habambuhay ka na ring magiging maligaya.




Comments