top of page

Iba’t ibang paraan para tumanaw ng utang na loob

  • BULGAR
  • Mar 27, 2022
  • 3 min read

ni Mharose Almirañez | March 27, 2022




Naipamukha na ba sa ‘yo ng isang tao kung nasaan ka dapat ngayon kung hindi dahil sa kanya?


Sabi nga nila, ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. Alam ko namang marunong kang tumanaw ng utang na loob, pero alam mo rin bang may limitasyon ang pagbabayad nito at hindi mo ito puwedeng pagbayaran habambuhay?


Upang makabayad sa utang na pinakamahirap bayaran sa lahat, narito ang ilang paraan para makawala sa ‘utang na loob’ concept ng mga Pinoy:


1. MAGPASALAMAT. Halimbawa, tinulungan ka niyang makapasok sa trabaho. Sapat na ‘yung ‘thank you’ na bukal sa puso mula sa ‘yo. Iniisip kasi ng iba, required manlibre sa magarbong restoran o magbigay ng mamahaling token of appreciation matapos ka niyang tulungan.


Tandaan, hindi porke tinulungan ka niyang magkatrabaho ay ite-take advantage ka na niya at gagawin itong dahilan para makahingi ng kung anu-anong pabor sa ‘yo, dahil sa huli ay ikaw pa rin naman ang gumawa ng paraan para mag-stay sa trabaho at siya lamang ang naging daan sa bagay na ‘yun. Kung hindi niya matanggap ang ‘thank you’ mo, nasa kanya na ang problema.


2. MAG-EFFORT. Ipagpalagay nating naulila ka’t kinupkop ng kamag-anak. Kung gusto mo talagang makabawi sa pag-aarugang ginawa nila sa ‘yo, gumawa ka ng effort para ma-appreciate nila how thankful you are. Magsikap ka sa pag-aaral at maghanap ng magandang trabaho. Iparamdam mo sa kanilang hindi sayang ‘yung ginawa nilang effort para sa ‘yo.


Kung sakaling sumbatan ka ng kamag-anak mo in the near future, isipin mo na lang kung saan ka nagkulang. Baka kasi, dahil matagumpay ka na ay nakalimutan mo na sila. Learn to give back. Kung sa tingin mo naman ay sobra-sobra na ‘yung paggi-give back mo pero para sa kanila’y hindi pa rin sapat ito, kamag-anak mo na ang may problema ru’n. Baka kasi, hindi bukal sa puso nila ‘yung ginawang pagkupkop sa ‘yo, that’s why they’re demanding for more.


3. MAGBAYAD. Magbabayad ka talaga kapag pera ‘yung ipinautang sa ‘yo. Pero paano kung buhay ang inutang mo sa kanya? Let’s say, namatay ang tatay niya nang dahil sa pagsagip sa ‘yo. Is sorry enough? Siyempre, habambuhay mong dadalhin ‘yung guilt. Gayunman, hindi porke may kasabihang, “Mata sa mata, ngipin sa ngipin,” ay magpapakamatay ka rin para mabayaran ang buhay ng tatay nila. Everybody knows na walang may gusto sa nangyari, kaya ‘wag mong sisisihin ang sarili mo.


Anuman ang nangyari, life must go on. Sa halip ay gawin mong makabuluhan ang buhay mo upang hindi masayang ang ginawa niyang pagsasakripisyo para sa ‘yo, dahil hinding-hindi babangon sa hukay ang taong patay na kahit habambuhay ka pang mag-sorry d’yan.


4. HUWAG MAKALIMOT. ‘Yung iba kasi, patay-malisya na after matulungan. Hindi naman sa paniningil o panunumbat, pero bilang pagtanaw ng utang na loob, ‘wag na ‘wag mong kalilimutan kung sino ‘yung mga taong tumulong sa’yo nu’ng panahong wala kang mapuntahan. Sabi nga nila, lalabas ang tunay na ugali ng isang tao, it’s either kapag nasa rurok siya ng tagumpay o kapag walang-wala siya.


Ngunit kung paulit-ulit namang ipinamumukha sa ‘yo ng inutangan mo ‘yung utang na loob mo sa kanya ay nasa kanya na ang problema. Tandaang hindi porke tinulungan ka niya nang isang beses at inayawan mo ang hinihingi niyang pabor sa pangatlong pagkakataon ay susumbatan ka na niya at tatawaging walang utang na loob. Take note, may hangganan ang bawat tao. Hindi ka nila puwedeng sagarin para lamang sa utang na loob na ‘yan.


5. TUMULONG DIN SA IBANG NANGANGAILANGAN. Dahil naranasan mo nang malagay sa isang gipit na sitwasyon, malamang ay alam mo na rin ang pakiramdam ng walang malalapitan kaya ikaw na ang lumapit at mag-alok ng tulong sa kanila. Matuto kang magkusa, baka kasi nahihiya lang silang magsabi sa ‘yo. It’s a cycle process, ‘ika nga.


Tulad ng mga nabanggit, napakaraming paraan para makapagbayad ng utang. Gayunman, ‘wag na ‘wag mong gagawing pambayad ng utang ang mga anak, negosyo, lupain, atbp. para lamang sa lifetime utang na loob na ‘yan.


Utang na loob, beshie, 2022 na!

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page