Iba’t ibang kahulugan ng halikan
- BULGAR
- Jan 27, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 27, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rosita ng Laguna.
Dear Maestra,
Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko? Madalas akong managinip ng halikan.
Napanaginipan ko na hinalikan ako ng asawa ko na para bang sabik na sabik siya sa akin, tapos damang-dama ko ang halik at pagmamahal niya.
Nang sumunod na gabi, napanaginipan ko naman na hinalikan ko ang best friend ko, na hindi ko dapat ginawa dahil kaibigan ko siya at hindi naman kami magkarelasyon.
Nang lumingon ako sa likuran namin, nakita ko naman na hinahalikan ng ibang babae ang asawa ko. Sana ay masagot n’yo ito.
Naghihintay,
Rosita
Sa iyo, Rosita,
Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa panaginip mo.
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na hinalikan ka ng asawa mo at damang-dama mo ang pagmamahal niya, ito ay nagpapahiwatig na tapat siya sa iyo. Mahal na mahal ka talaga ng asawa mo.
‘Yun namang hinalikan mo ang iyong best friend, ito ay nangangahulugan na hindi siya tunay na kaibigan. Ibig sabihin, mabait siya ‘pag kaharap mo, pero sinisiraan ka naman kapag nakatalikod ka.
Samantala, ang panaginip mo na nakita mong hinahalikan ng ibang babae ang asawa mo, ito ay nangangahulugan na posibleng magkaroon ka ng karibal sa iyong mister, pero huwag kang mag-alala dahil hindi niya ito papatulan dahil mahal na mahal ka niya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna






Comments