Iba’t ibang kahulugan ng gatas
- BULGAR
- Jun 7, 2022
- 1 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | June 7, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joselyn ng Masbate.
Dear Maestra,
May alaga kaming baka ng mister ko at nagtitinda kami ng gatas ng baka sa aming lugar, gayundin, nagbebenta kami ng baka.
Palagi akong nananaginip ng gatas at noong isang gabi, napanaginipan ko na sa halip na tubig ang madalas kong inumin, gatas ang aking iniinom. Kagabi naman, napanaginipan ko na nagbebenta ako ng gatas sa palengke namin at mabili ang gatas na paninda ko. Madaling maubos ang mga ito kaya napilitan akong madalas na gatasan ang baka namin. Ako mismo ang naggagatas sa halip na asawa ko ang gumawa nu’n.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Joselyn
Sa iyo, Joselyn,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na sa halip na tubig ay gatas ang palagi mong iniinom, nagpapahiwatig ito ng kaligayahan.
Kabaligtaran naman ang ibig sabihin ng ibinenta mo ang gatas sa palengke n’yo. Kalungkutan ang ipinahihiwatig nito. Ibig sabihin, hindi palaging masaya ang buhay at darating ang kalungkutan.
Samantala, ang ibig sabihin naman ng ikaw mismo ang naggatas sa alaga n’yong baka ay kasaganaan. Giginhawa ka sa buhay sa kabila ng mga kalungkutang dinanas mo noon.
‘Ika nga, kung may tiyaga, may nilaga. Ganyan sa kabuuan ang ipinahihiwatig ng panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments