top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Iba’t ibang dahilan kaya ‘di natatahimik ang taong kuwatro

BULGAR
Aug 31, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 31, 2022


Dear Maestro,


Nabasa ko ang mga ginagawa n’yong pag-aanalisa sa mga birthdate at nagandahan ako sa mga sinasabi n’yo. Maaari n’yo bang talakayin ang birthday ko na February 4, 1995?


Ano ang sadlakan kong kapalaran sa pag-ibig, pag-aasawa, career, kabuhayan, at ako ba ay magiging maligaya at yayaman?


Umaasa,

Daisy ng San Roque, Cainta, Rizal


Dear Daisy,


Sa sandaling nanaig sa iyo ang pagiging Taong Kuwatro (4) at ang zodiac sign mong Aquarius na nagkataong may kaakibat ding numerong 4, na nagtataglay ng planetang Uranus, wala naman talaga kayong kapalaran. Bagkus, para kayong Taong Dos (2), ang kaibahan lang ay mas may will power kayo kaysa sa mga Taong Dos (kasama silang mga isinilang sa petsang 11, 20 at 29), kung saan inihahalintulad natin sila sa isang dahon na nahulog sa batis – tinatangay ng alon ang mga pangyayari sa kanilang buhay at kapaligiran na kanilang ginagalawan. Dahil dito, kung saan-saan sila dinadala ng tadhana at kapalaran.


Kaya ang mga Taong Dos, kapag sila ay nagkaroon ng mabuting mga magulang at kaibigan na iimpluwensya sa kanila, gayundin, maayos na kapaligiran, magiging maganda ang kanyang hantungan dahil naging maganda rin ang mga taong nakakaimpluwensya sa kanya.


Subalit kung nagkataong walang kuwenta ang napangasawa, mga magulang, mga kaibigan, umasa ka na ang Taong Dos na ito ay nagiging wala ring kuwenta.


Pero iba naman ang kapalaran ng mga Taong Kuwatro, bagama’t halos pareho sila na tinatangay lang ng kapalaran, may biglang suwerte sa buhay ang mga Taong Kuwatro. Puwede ring sabihin na may kakaiba silang buwenas.


Para ring Taong Uno (1), pagkatapos ng magulo at masalimuot na sitwasyong kanilang pinasok, nakakamanghang nakakalusot pa rin sila sa mabibigat na suliranin ng buhay. Pero ang Taong Dos, kapag nahulog sa napakasalimuot na sitwasyon, malamang na hindi na siya makakaahon pa rito, maliban na lang kung may mahiwagang kamay na tutulong sa kanya.


Balik tayo sa Taong Kuwatro, ang magara kasi sa kanila, madalas silang nahuhulog sa napakalaking gusot ng buhay o karanasan. Kaya naman nangyayari sa kanila ang sinasabi nating, wala naman talaga silang kapalaran, bagkus, ang kapalaran talaga nila ay guluhin ang kanilang buhay. Kaya bihirang-bihira kang makakakita ng Taong Kuwatro at Aquarius na may tahimik at payapang kalagayan. Ihalimbawa natin sa barko na naglalakbay sa dagat, bihira kang makakatagpo ng Taong Kuwatro na “smooth sailing”. Ang nangyayari kasi, minsan ay naka-smooth sailing na ang sasakyan ng kanilang buhay, pero bigla pa nila itong buburarain at guguluhin nang hindi naman nila sinasadya.


Ngunit ang napakahiwaga, wari bang kapag ginugulo ng mga Taong Kuwatro ang dating tahimik na alon ng kanilang kapalaran, du’n sila nagiging lihim o unconsciously na masayang-masaya. At kapag nalusutan nila ‘yun, dahil babalik ang maligayang buhay ng mga Taong Kuwatro, ay walang pagsidlan at hindi mailarawan ang kaligayahang kanilang nadarama at du’n na rin siya magkakaroon ng napakalaking tagumpay.


Ang masakit, pagkatapos na muling maayos ang magulong buhay, hindi na naman mapapakali ang Taong Kuwatro — parang nangangati ang kanilang mga paa, muli nila itong guguluhin at ‘pag magulo ulit ang kanilang kapalaran, aayusin at muli nila itong guguluhin.


Sa ganu’ng paulit-ulit na senaryo ang tadhana ng Taong Kuwatro. Kaya kapag gusto mo ng totoong pakikipagsapalaran, sumama ka sa mga Taong Kuwatro dahil sila ang may pinakamagara at magulong kapalaran.


Subalit para matahimik ang palaging ginugulong kapalaran ng mga Taong Kuwatro, isa lang ang paraan upang sila ay magkaroon ng payapang buhay. Una, spiritual retreat. Kapag sila ay nakapagnilay nang malalim sa kanilang panloob na buhay, ‘ika nga ay palagi siyang nagkakaroon ng “self-encounter” o sa Psychology ay na-psychoanalysis nila ang panloob nilang sarili, ru’n sila magkakaroon ng tahimik, maligaya at maunlad na buhay.


Pangalawa, kailangang makatagpo ang Taong Kuwatro ng lalaki o babaeng mamahalin siya habambuhay. Hindi natin ginamit ang mga salita na “mamahalin niya habambuhay” dahil ang totoo, ang mga Taong Kuwatro ay hindi naman talaga nagkakaroon ng bagay o tao na mamahalin habambuhay, kaya mas angkop na ang matagpuan nila ang tao na sila ang mamahalin habambuhay.


Sa ganu’ng paraan matatamihik, yayaman nang sobra at magiging maligaya ang mga Taong Kuwatro, gayundin ang mga taong Aquarius.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page