top of page

Iba pang kahulugan ng isang marriage line

  • BULGAR
  • Mar 14, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 14, 2022



KATANUNGAN


  1. Kapag ba maganda ang Marriage Line, ibig sabihin, magkakaroon ng maligayang pag-aasawa ang isang tao? Mag-dyowa pa lang kami ng boyfriend ko pero madalas na kaming mag-away at kahit maliit na bagay ay pinagkakagalitan namin. Kaya naisip ko na ‘pag siya ang napangasawa ko, baka hindi rin kami magkaroon ng maligayang samahan.

  2. Pero bakit ganu’n, maayos at maganda naman ang isang Marriage Line ko, na sabi n’yo ay indikasyon ng masaya at matagumpay na pag-aasawa. Ibig sabihin ba nito, hindi ang kasalukuyan kong boyfriend ang makakatuluyan ko, gayung siya ang first boyfriend ko at magdadalawang taon na kami?

  3. Kaya ngayon, naguguluhan ako kung siya na ba o may darating pang ibang lalaki, gayung nasa critical period na ang edad ko. Twenty five years old na ako ngayon kaya medyo kinakabahan na akong hindi makapag-asawa ‘pag naghiwalay pa kami ng boyfriend ko.

KASAGUTAN

  1. Alam mo, ang Marriage Line na ‘yan (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) ay lalagyan ng isang quality relationship o long and meaningful engagement. Kaya kung hindi naman “meaningful” ang samahan n’yo ng boyfriend mo at magkasintahan nga kayo, pero wala namang kabuhay-buhay ang inyong pagsasama, kahit gaano pa kayo katagal mag-on, siguradong hindi pa rin ‘yan ang kaisa-isang magandang Marriage Line o Guhit ng Pag-aasawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) na nakikita sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Kung hindi siya ang Guhit ng Pag-aasawa (arrow a.), sino ngayon ang boyfriend mo sa kasalukuyan at saan siya iginuhit ng tadhana? Tama ka, nasa ibang guhit ng palad ang lalaking ‘yan at ito ay ang “fling” o pansamantalang Guhit ng Pakikipagrelasyon (Drawing A. at B. f-f arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Maaaring malito ka na naman dahil sinasabi nating “fling” o pansamantalang relasyon, gayung sabi mo ay magdadalawang taon na kayo. Alam mo, sa daigdig ng panaginip at mundo ng unconscious, walang panukat ng oras d’yan. ‘Ika nga, hindi sila sakop ng “time, matter at space”, kaya sa panaginip, puwede kang lumusot sa pader, puwede ring maya-maya ay ibang senaryo o tagpo ng pangyayari ang iyong maranasan habang ikaw ay natutulog at nananaginip.

  3. Ang iba’t ibang senaryo ay hindi imposible sa daigdig ng panaginip, na siya ring daigdig ni unconscious self. Kung saan ang “time, matter and space” ay applicable lamang sa panahong gising ang tao, pero kapag siya ay unconscious, ‘ika nga ng babae na nasa operating room at kasalukuyang tumatalab pa lang sa kanyang diwa ang anesthesia ay naramdaman niyang nasa isang sasakyan siya na parang tren, lumagos sa tunnel ang sasakyang ‘yun nang ubod ng bilis sa napakadilim na paligid at pagkagising niya ay tapos na ang operasyon.

  4. Ganundin ang kasalukuhan mong pakikipagrelasyon sa iyong kasintahan. Para kang nakasuot sa black hole at hindi ka makaalis at hindi mo rin alam kung bakit may boyfriend ka pero parang hindi ka masaya. Gayundin, hindi mo alam kung bakit gustuhin mo mang makipaghiwalay sa kanya ay hindi mo magawa dahil tulad ng nasabi na, ikaw ay nasa daigdig ng “mildly unconscious state” dahil sa napasukan mong relasyon o samahang hindi mo gustong-gusto.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Samantala, hindi mo naman aabutin ang ganu’ng senaryo na inilarawan dahil sa kasalukuyan, unti-unti kang namumulat na hindi mo talaga mahal ang iyong nobyo, na hindi ka talaga masaya sa kanya, na hindi talaga siya ang gusto mong makasama habambuhay at higit sa lahat, hindi naman talaga siya ang nakaguhit nang maayos at maganda sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kaya sa lalong madaling panahon, kapag ganap ka nang nakabalik sa katinuan ng isip, makikipag-cool off ka na sa kanya hanggang sa tuluyang matuldukan ang relasyong hindi ka naman naging maligaya kahit kailan.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Glydel, matapos kang makabalik sa matinong pag-iisip at malayang pagpapasya, sa puntong ‘yun, darating ang lalaking under sa zodiac sign na Libra sa susunod na taong 2023. Siya na ang makakasama mo habambuhay, na siya ring inilarawan ng maganda, maaliwalas at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), na indikasyon din ng maligaya at panghabambuhay ng pag-aasawa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page