Humintong fate line, indikasyon na mawawalan ng kabuhayan
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 6, 2022

KATANUNGAN
Mula noong 2020 o nang magsimula ang pandemya, dalawang taon akong nabakante, kaya halos paubos na ang ipon namin.
Naisipan kong kumonsulta sa inyo upang malaman kung makakabalik ba ako sa dati kong shipping company o mas okay na lumipat ako ng ibang kumpanya na mas malaki ang suweldo?
Isa akong seaman at noong malakas pa ang kita ko, marami akong nabiling mga ari-arian, pero naisanla ko na lahat ang mga ito at ‘yung iba ay nailit na ng bangko. Makakarekober pa ba ang kabuhayan namin?
KASAGUTAN
Pansamantalang huminto ang Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na nakatakda kang mawalan ng trabaho, ngunit pagkatapos nito, kapansin-pansin na muling nagpatuloy at gumanda ang Fate Line (F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing makakarekober ka pa rin at ito ay mangyayari kapag natupad na ang ikalawang sigwada ng iyong pangingibang-bansa na inilalarawan naman ng ikalawang mas mahaba at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kung nakapag-abroad ka bago pa magka-pandemya at ito ay naging masagana, sa ikalawang yugto ng pangingibang-bansa, higit itong magiging maunlad at mabunga.
Ang pag-aanalisang makakarekober ka at muling aasenso ang kabuhayan ay madali namang kinumpirma ng gumanda at naayos ding lagda sa gitna hanggang dulong bahagi. Ibig sabihin, pagkatapos ng pagka-bangkarote ng kabuhayan, muling titindig at uunlad ang iyong pampinansiyal na kalagayan, hanggang sa maibalik mo ang mga nawalang ari-arian. Gayundin, sa ikalawang yugto ng pag-unlad, tulad ng nasabi na, mas magiging masagana at mabunga ang itatala sa iyong karanasan.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Erickson, sa sandaling nakapag-abroad ka muli, tulad ng nasabi na, sa ikalawang pagkakataong ibinigay sa iyo ng tadhana pagdating pangingibang-bansa — na magaganap sa taong ding ito ng 2022, sa buwan ng Oktubre o Nobyembre — tuloy-tuloy nang uunlad at magiging masagana ang kabuhayan ng inyong pamilya.




Comments