Humagulgol sa pagpapasara sa Dos…VICE GANDA, NAG-WALKOUT SA IT'S SHOWTIME
- BULGAR

- Jul 12, 2020
- 2 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 12, 2020

Tulad ng ibang Kapamilya stars, dinaramdam ni Vice Ganda ang desisyon ng Kongreso na hindi pagpayag na ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ito ang sinasabing dahilan kung bakit nag-walkout si Vice Ganda sa opening number ng It’s Showtime kahapon (Sabado, July 11), isang araw matapos lumabas ang desisyon sa prangkisa ng network nu'ng Biyernes.
Sa umpisa pa lang, habang pumapasok ang mga hosts ng programa sa stage, ay kapansin-pansin nang wala sa mood si Vice at hanggang sa patapos na ang theme song ng It's Showtime, nanatiling wala sa mood ang host habang ang iba niyang co-hosts na sina Vhong Navarro, Jugs Jugueta, Jhong Hilario at Teddy Corpuz ay nakangiti at sumasayaw-sayaw habang kinakanta ang theme song.
Nang si Vice ang kumanta ng kanyang linya sa theme song, nakangiti lang ito at nakatingin sa gilid. Nahuli siya sa kamera na halatang tila pilit ang ngiti.
Habang patuloy ang kantahan at sabay na nagkukulitan ang mga hosts sa kanilang mga puwesto, si Vice naman ay naka-steady lang sa kanyang pagtayo sa gitna ng stage.
Habang kinakanta ni Jhong ang kanyang part, nakita sa camera na tumalikod si Vice at naglakad pabalik sa backstage bago pa natapos ang theme song ng noontime program.
Hindi na bumalik si Vice sa stage upang tapusin ang opening number, kaya't akala ng madlang pipol, nag-walkout siya sa sariling programa.
Ganunpaman, nagpatuloy naman si Vhong at ang iba pang hosts sa pagbanggit ng kanilang spiels.
Nu'ng nag-commercial break ang It’s Showtime, ipinaliwanag ni Vice sa Twitter kung bakit siya umalis sa stage.
Aniya, “Kailangan kong um-exit sa point na 'yun para umiyak. I couldn’t fake it. Pero ok na 'ko after humagulgol.”
Pagkatapos ng commercial break, sa sumunod na segment, bumalik na si Vice at nagpatuloy sa pagho-host ng programa.
Nag-trending si Vice Ganda sa Twitter after nitong layasan ang opening number.
Sa kanyang panayam, hindi sinabi ni Vice ang dahilan ng kanyang paghagulgol pero karamihan ng mga comments sa Twitter ay iniuugnay nga ang pagwo-walkout niya sa pagbasura ng Kongreso sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sa ngayon ay patuloy ang pag-ere ng It’s Showtime sa Kapamilya Channel, maging sa TFC Channel sa buong mundo.
Ang Kapamilya Channel ay isang cable at satellite channel na nagpapalabas ng ilang programa ng ABS-CBN, kabilang na ang FPJ’s Ang Probinsyano at ASAP Natin ‘To.




Comments