Hirit ni Robredo kay PBBM... Leonen, next SC Chief Justice

ni Mylene Alfonso @News | September 24, 2026

Photo: Si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen - Supreme Court PH
Inendorso ni dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen upang maging susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Sa isang opisyal na liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may petsang Setyembre 11, 2026 at tinanggap ng Supreme Court-Judicial and Bar Council at Office of the Chief Justice nitong Setyembre 23, pormal na inirerekomenda ni Robredo ang senior justice para sa pinakamataas na puwesto sa hudikatura.
Binigyang-diin ng alkalde na si Leonen ang pinakamatagal na naglilingkod sa kasalukuyang komposisyon ng Korte Suprema at nagpakita ng kahusayang higit pa sa itinatakda ng Saligang Batas.
Binigyang-diin din ang naging papel nito bilang dating chief peace negotiator sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang kanyang background bilang public interest lawyer.
Ang pormal na pag-endorso ni Robredo kay Marcos ay ang pinakabagong kabanata sa kapansin-pansing pagbabago ng dynamics sa pagitan ng dalawang dating magkatunggali sa pulitika.





Comments