top of page

Hindi maitatago ng face mask ang mapanghusgang mga mata

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 1, 2020
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | August 1, 2020



Naparami sa ating mga kababayan ang hinuli ng awtoridad dahil sa hindi pagsusuot ng face mask. Noong nakaraang linggo, nagsiksikan sa Amoranto Stadium, Roces, Quezon City ang mahigit 800 katao na nahuling walang suot na face mask, gayundin ang mga nahuling hindi sumusunod sa patakaran ng IATF, tulad ng social distancing at iba pa.

Napakaraming patakaran na kabisadung-kabisado ng lahat: “Manatili palagi sa bahay”, “Palaging isuot ang face mask”, “Palaging sundin ang social distancing”, “Palaging maghugas at magsabon ng mga kamay”, “Palaging magpahid ng alcohol”, “Magpunta agad sa doktor kung merong anumang sintomas, tulad ng lagnat, ubo, sipon, paninikip ng dibdib, hirap ng paghinga atbp.”


Sa loob ng mahigit apat na buwan ay nag-iba nang husto ang ating buhay. Napakaraming sumusunod sa mga patakaran ng IATF. Marami sa atin ang kumitid at lumiit ang mundo dahil sa lubos na pagsunod sa mga nasabing patakaran.


Pero sa kabila ng mga pagsunod, kailangan pa rin kumilos ng IATF upang labanan at malampasan ang pandemya ng COVID 19.


Samantala, malinaw na hindi lamang ang mga nagtatrabaho sa ospital ang maituturing na frontliner—frontliners din ang mga nagbabagsak ng mga produkto sa palengke? Gayundin, ang mga tindero’t tindera sa palengke. Ang mga driver ng iba’t ibang sasakyan para maghatid ng tao at kalakal at iba pa. Hindi ba, frontliners din ang mga pari, pastor, imam at mga kasapi ng iba’t ibang simbahan na lumalabas upang magbahagi ng ayuda, pagkain at kaunting tulong-pinansiyal sa mga nangangailangan?


Mga frontliners na naglilingkod sa mahihirap at nanganailangan nating mga kapatid. Hindi tumitigil at kung tatanungin ang mga ito ay totoong pagod at hirap na hirap na. Ngunit, sa kabila ng kanilang paglilingkod, napakarami sa kanilang ang nakaranas tanggihan, iwasan, laitin, pangdirihan, husgahan at pagbintangan.


Noong Huwebes, kinailangan nating bumili ng pagkain sa fastfood, tiningnan tayo ng nagbabagang mga mata ng isang babaeng pinagsabihan tayo habang itinuturo ang ating mukha, “Isuot ninyo ang face mask.” Inilabas natin ang face mask na napigtas ang tali ng isang tainga at ipinakita ito sa kanya. Tuloy pa rin ang panlilisik ng kanyang mga mata.


Itinuro natin ang dalawang pulis na kumakain na walang face mask. Hirit ng babae, “Kumakain sila kaya’t wala.” Sumagot tayo, “Kakain din po ako.”


Hindi nagbago ang mapanghusga, nagagalit at nanlilisik na mga mata ng babae hanggang dumating ang ating order at nagsimulang kumain. Nang nakuha na ang kanyang order, pinarating nito muli ang kanyang mapanghusgang tingin.


Naka-facemask siya, ngunit hindi niya itinago ang nakababagabag na panghuhusga tungo sa akin. Napakaraming patakaran ng IATF na dapat sundin. Kailangang isuot palagi ang face mask. Subalit, paano ibabalik ang kahinahunan at paggalang sa kapwa?


Kahit na naitatago ang ilong at bibig, kitang-kita pa rin ang mga mata at ang anumang ipinapahiwatig nito. Kitang-kita kung meron pang-unawa — pagkalinga o wala.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page