Search
  • BULGAR

Hindi maawat ang COVID-19 outbreak sa NBA, dalawang laban ipinagpaliban

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 13, 2021





Nagpamalas ng bangis ang Milwaukee Bucks laban sa biglang bumigay na Orlando Magic, 121-99, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Amway Arena. Lamang lang ng dalawa ang bisitang Bucks sa 4th quarter, 88-86, at bigla silang umapoy sa 29-6 run upang lumamang, 117-92, at 3:51 ang nalalabi.


Nagawa ng Milwaukee na umarangkada habang nakaupo dahil sa limang foul si MVP Giannis Antetokounmpo na namuno sa 22 puntos. Sumunod si Khris Middleton na may 20 puntos at may 20 puntos din si Bobby Portis bilang reserba.


Ipinasok ni CJ McCollum ang isang buslo na may 9.9 segundong nalalabi upang itulak ang Portland Trail Blazers sa 112-111 na pagwawagi sa Toronto Raptors. Namayani si McCollum sa 30 puntos habang nagdagdag ng 23 puntos si Damian Lillard at 20 galing kay Carmelo Anthony upang makahabol ang Blazers sa huling minuto.


Kinailangan ng Sacramento Kings ang mahahalagang puntos nina Harrison Barnes, Buddy Hield at De’Aaron Fox sa huling dalawang minuto upang maagaw ang panalo para sa Sacramento Kings laban sa Indiana Pacers, 127-122. Nanguna si Barnes na may 30 puntos at walong rebound at Fox na may 21 puntos at siyam na assist.


Nagbida si Dillon Brooks sa 5 puntos sa huling 36 segundo upang siguraduhin ang 101-91 pagwagi ng Memphis Grizzlies sa Cleveland Cavaliers. Nagtapos si Brooks na may 21 puntos at 7 rebound habang nagdagdag ng 15 puntos si Brandon Clarke para umakyat sa 3-6.


Nagdiwang ang Washington Wizards sa pagbalik ni Bradley Beal at pinalubog ang Phoenix Suns sa pagharap ng dalawang koponan na nasa magkabilaang dulo ng standings. Agad ipinakita ni Beal kung bakit siya ang numero unong scorer ng liga sa bisa ng 34 puntos habang may 18 puntos si forward Davis Bertans para sa kanilang ikatlong panalo sa 11 laro.


Naging madali din ang tagumpay ng Charlotte Hornets sa New York Knicks, 109-88. Gumawa ng 34 puntos si Gordon Hayward at kumuha ng suporta kay Devonte Graham na may 19 puntos.


Nagtala rin ng panalo ang Atlanta Hawks sa Philadelphia 76ers, 112-94. Gumana muli ang shooting ni Trae Young para sa 26 puntos habang may tig-15 puntos sina DeAndre Hunter at Brandon Goodwin para sa kartadang 4-5 habang bumagsak ang 76ers sa 7-3 kahit nakakabalik na ang mga manlalaro nila galing sa COVID-19 protocol.


Bago magsimula ang mga laro, iniutos ng NBA ang pagpapaliban ng tapatan ng New Orleans Pelicans at Dallas Mavericks at ang nakatakda para ngayong araw na Boston Celtics kontra Chicago Bulls sa gitna ng pagdami ng mga kaso sa mga nasabing koponan. Agad nagpatawag ng pulong ang liga upang pag-aralan ang mga panukalang pagbabago sa mga health at safety protocol.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.