Handa ka na bang bumoto? Alamin: dos and don’ts sa halalan
- BULGAR
- May 5, 2022
- 3 min read
ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| May 5, 2022

Palapit na nang palapit ang halalan, kaya naman ang tanong, handa na bang bumoto ang lahat? Kung hindi pa, don’t worry dahil we got you!
Pero bago ang lahat, ipaalala muna natin na ang halalan ay hindi ordinaryong araw. Bagkus, napakahalaga nito dahil ito ang araw kung kailan tayo magluluklok ng panibagong mga lider na mamumuno sa ating bansa.
Dahil dito, hinihikayat natin ang lahat na bumoto at ‘wag sayangin ang pagkakataong ito upang maging bahagi ng pagpili ng mga bagong lider.
Kaya para sa smooth at iwas-aberyang pagboto, narito ang mga dapat at ‘di dapat gawin sa araw ng halalan:
1. ALAMIN ANG PRECINCT NUMBER. Bago pa man ang araw ng botohan, kailangang alam natin kung saang presinto tayo dapat magtungo. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pananatili nang matagal sa polling place. Para malaman ang precinct number, magtungo sa precinct finder ng Commission on Elections (Comelec). Kailangan lamang ilagay ang iyong pangalan at kung saang distrito at lungsod ka nakarehistro at makikita mo na kung saang presinto ka nakatakdang bumoto. Gayunman, kung hindi makikita ang pangalan sa precinct finder, maaaring magtungo sa opisina ng election officer para maberipika kung saan ang iyong presinto.
2. MAGDALA NG ID. Bagama’t hindi requirement sa pagboto ang ID, mabuti pa ring magdala nito upang mabilis na maresolba ‘pag nagkaroon ng problema sa pagkakakilanlan.
3. KODIGO. Sa dami ng kailangan nating iboto, oks lang naman na gumamit ng kodigo. Magandang paraan ito upang maiwasan ang pagkakamali sa pag-shade ng mga ibobotong kandidato, gayundin upang hindi magtagal sa pagpili kung sino ang iboboto sa mismong araw ng eleksiyon.
4. PROTEKTAHAN ANG BALOTA. Bago simulan ang pag-shade, tiyaking malinis ang balota at walang anumang sira o dumi. Ayon kasi sa batas, ang “spoiled” ballot ay hindi tatanggapin ng machine at kung ito ay kasalanan ng botante, hindi na maaaring magbibigay ng panibagong balota. Gayunman, kung nakatanggap ng spoiled ballot bago pa man ito i-shade, ipagbigay-alam sa poll officer nang sa gayun ay mapalitan ito. Isa pang paalala, tiyaking tama ang pag-shade at iwasang mag-over vote upang hindi masayang ang iyong boto. Samantala, puwede ang mag-under vote, ngunit hinihikayat ang mga botante na kumpletuhin ang listahan.
5. ITSEK ANG RESIBO. Pagkapasok ng balota sa VCM o vote counting machine, hintaying lumabas ang resibo at mamarkahan ang iyong daliri gamit ang indelible ink. Matapos makuha ang resibo, tingnang mabuti kung tugma rito ang mga ibinoto mo. Kung nagkataong hindi tugma ang nasa resibo at balota, lumapit sa election inspectors at ipaalam ang iyong complaint.
6. ‘WAG KUNAN NG LARAWAN ANG BALOTA. Base sa guidelines ng Comelec, hindi pinapayagan ang pagkuha ng larawan ng balota o resibo dahil maaari itong magamit sa vote buying o vote selling. Gayundin, isang election offense ang paglabag sa ballot secrecy.
7. OVER CAMPAIGNING. Ayon sa Comelec, walang restriksiyon sa dapat isuot ng mga botante sa araw ng halalan, pero nagbigay-babala ito na iwasan ang over campaigning. Bagama’t maaaring magsuot ng anumang kulay ng damit, dapat umanong iwasang magsuot ng damit na may pangalan o larawan ng kandidato dahil hanggang Mayo 7 lamang ang campaign period.
Simpleng paalala lamang ang mga nasa itaas, pero mga besh, ‘di dapat kalimutan ang mga ito para maging smooth o maayos ang ating pagboto. Gayundin, ‘wag natin kalimutang sumunod sa health protocols, partikular ang pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing.
Isa pang paalala, kung tutuusin ay isang araw lamang ang halalan, pero kung magluluklok tayo ng mga may “K” mamuno, anim na taon ng maayos at de-kalidad na serbisyo-publiko ang matatanggap natin. Bagay na ‘ika nga, eh, “deserve” ng bawat Pilipino.
Hangad natin ang malinis at payapang halalan at mangyayari lamang ‘yan kung gagampanan ng bawat isa ang obligasyon na maging responsableng botante.
Gets mo?








Comments