Hamon sa mga nanalong senador, gumawa ng mga kapaki-pakinabang na batas
@Editorial | May 20, 2022
Naiproklama na ng Commission on Elections na umuupo bilang National Board of Canvassers ang 12 senador na nanalo sa nakalipas na May 9, 2022 National at Local Elections.
Alinsunod sa NBOC Resolution No. 002-22, ipinroklama na sina Senators-elect Robin Padilla, Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Francis ‘Chiz’ Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Risa Hontiveros at Jinggoy Estrada.
Halos lahat ay dati nang nasa gobyerno. May ilan na naging kontrobersiyal pa.
Ang proklamasyong ito ay masasabing simula na ng panibagong administrasyon, maaaring mas makulay bagama't hindi na kasing ingay noon dahil mapapansing halos magkakaalyado na ang mga nasa puwesto.
Sa ganitong sitwasyon, umaasa tayo na mananatili pa rin ang check and balance sa lahat ng ahensiya. Kung may dapat punahin, gawin. Kung may nakikitang paglabag, imbestigahan, tuluyan. Huwag kalimutan ang sinumpaang tungkulin at ang mga ipinangako noong kampanya.
Batid natin ang kahalagahan ng nagkakaisa sa gobyerno tungo sa pag-unlad pero dapat din nating bantayan sakaling may nagkakaisa rin sa katiwalian.
Muli, umaasa tayo sa ating mga nanalong senador na mas mapatatag ang Kongreso, mas maraming panukalang batas ang maihain alang-alang sa kapakanan ng bayan at para mas mapalawak ang serbisyo-publiko.



Comments