Hamon sa gobyerno, mga sangkot sa economic sabotage, tuluyan!
@Editorial | April 25, 2022
Grabe ang kahirapang dulot ng pandemya. Ang masaklap, mas pinalala pa ng mga abusado.
Halos sunud-sunod ang naiuulat na kaso ng pagpupuslit ng mga imported na produkto, tulad ng mga gulay.
Maraming magsasaka at negosyante ng mga gulay sa Benguet ang napipilitang itapon na lamang ang kanilang mga produkto dahil hindi nabibili bunsod nang pagbaha ng mga imported na gulay sa bansa.
Ito ay malinaw na pananabotahe sa ekonomiya.
Kaya ang hamon sa gobyerno, sampahan ng kaso ang mga sangkot dito, 'yung walang piyansa. Hindi 'yung may mahuhuling tone-toneladang puslit na gulay tapos kakarampot ang multa at wala pang nakukulong sa mga nasa likod ng ilegal na gawain.
Dapat patunayan ng gobyerno na seryoso ito na matuldukan ang smuggling na labis na nagpapahirap sa mga magsasaka at negosyante.
Paano tayo makakabangon kung may mga abusadong kumikilos?
Halos hindi na nga nangangarap na yumaman ang mga nasa sektor ng agrikultura, ang hangad na lang nila ay maitawid ang bawat araw na may maihahain sa pamilya. Sa mga smuggler at kung may kasabwat man sa gobyerno, makonsensiya naman kayo!



Comments