Hamon sa Comelec, pasaway na kandidato, sampulan!
@Editorial | March 30, 2022
“Doon po sa magkakalaban, maganda po mag-monitoran kayo, maganda kayo mismo ang titingin, papansin sa mga kalaban n’yo sa posisyon at isumbong n’yo sa amin at ‘yan po ay aaksyunan namin.” Ito ang pahayag ng isa mga commissioners ng Commission on Elections (Comelec).
Hinihimok ang mga kandidato na mag-espiya sa kanilang mga kalaban at i-report ang posible nitong paglabag sa eleksyon sa gitna ng kampanyahan.
Ang problema, ‘di kaya magdulot naman ito ng kaguluhan? Habang papalapit ang mismong araw ng eleksyon, painit nang painit ang ‘word war’ sa pagitan ng mga supporters. Talagang lumalaganap ang fake news at hindi na malaman kung saan ito nanggagaling. Paano kaya matitiyak ng Comelec na tunay ang ebidensiya laban sa isang kandidato?
Samantala, una nang iniulat ang umano’y vote buying na nagaganap sa mga campaign sorties.
Kaugnay nito, bumuo ang Comelec ng isang inter-agency task force na maaaring mag-imbestiga kahit na walang mga reklamo.
May mga puna na tila hindi umano nakikita ng Comelec ang mga nangyayaring paglabag sa kampanya. Lantaran ang vote buying, may mga pa-raffle, papremyo at kung anu-anong gimik na ipinagbabawal.
Iginiit ng ahensiya na lahat ng ito ay kanilang na-monitor at naisangguni na umano sa kanilang field personnel para sa malalimang imbestigasyon.
Sa tagal at lawak ng mga nagaganap na paglabag sa halalan, parang nagiging bahagi na ang mga ito ng sistema. Nakapanlulumo dahil parang wala nang magawa ang mga kinauukulan.
Kung tutuusin, ang kailangan lang ay isang matinding halimbawa, ‘yung kandidatong pasaway na talagang tutuluyan para hindi na pamarisan.



Comments