Hamon sa Comelec, pasaway na kandidato, pangalanan
@Editorial | December 07, 2021
Siksikan, kamayan dito, yakap doon, beso, sabay alis ng facemask.
Ganito ang eksena sa mga ginagawang pag-iikot ng mga political aspirants.
Bagay na pinuna na rin ng Commission on Elections (Comelec).
Bagama’t sa susunod na taon pa nakatakdang magsimula ang campaign period, naglabas na sila kamakailan ng guidelines para rito nang sa gayun ay may guidance ang mga political aspirants.
Gayunman, ang mapapansin sa ngayon sa ginagawang pag-iikot ng mga kakandidato sa 2022 national at local elections ay hindi naman nasusunod ang mga panuntunang ito.
Dagsa at dikit-dikit pa rin ang mga tao sa tuwing may bibisitang mga kakandidato sa lugar.
Kaya naman, kasabay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay nananawagan din ang Comelec na kung maaari ay ipagpaliban na lamang muna sa ngayon ang pagsasagawa ng political rallies hanggang sa magsimula na ang pormal na campaign period.
Ang hamon naman natin sa mga awtoridad, pangalanan at sampolan ang mga nakikitang pulitiko na pasimuno sa paglabag sa protocols.
Kung hindi kayang pasunurin ang publiko o mga supporters, tigilan na ang kaiikot.
Maawa kayo sa mga matatanda na nakikipagsiksikan sa mga pagtitipon para makita kayo o para maabutan ng anumang tulong na ipinamimigay.
Alalahanin nating may banta pa ng mas matinding variant ng COVID-19, hindi dapat magpabaya.
Muli, ang panawagan natin sa DILG at Comelec, kung hindi na talaga mapagsabihan ang mga kandidato, mas makabubuti na patigilin na talaga sila.
Sobra na nga ‘yung nakalulusot sila ng pangangampanya kahit hindi pa dapat, tapos pasaway pa.
Mga sir at ma’am, mahiya at maawa naman kayo sa taumbayan na inilalagay n’yo ang buhay sa panganib.



Comments