top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Halos ‘di na inuuwian ng mister dahil may iba, dapat paghandaan ang parating na hiwalayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 14, 2020



Dear Maestro,


May ibang babae ang mister ko, maghihiwalay ba kami? Sa ngayon, bihira na siyang umuwi kaya gusto ko ring malaman kung maaayos at magiging maligaya pa ba ang aming pamilya? Marami na akong hirap at tiisin na dinadala, tapos nagloko pa ang aking asawa. Kapag tuluyan kaming naghiwalay, paano ko mapapalaki nang maayos ang dalawa naming anak?

Sa palagay n’yo, dapat bang mag-asawa rin ako kung sakaling tuluyan kaming iwanan ng mister ko para sumama sa kanyang babae? May pag-asa pa ba akong lumigaya kung muli akong mag-aasawa upang may makatuwang naman ako sa buhay? Sana, malaman ko agad ang sagot n’yo, masakit na masakit na kasi ang loob ko sa kaiisip kung paano nagawa ng aking asawa ang mga ito, gayung naging mabuting misis naman ako at mapag-arugang ina sa aming mga anak? Huwag n’yo nang ilagay ang kumpleto naming mga birthday dahil nagbabasa ng BULGAR ang mga kapitbahay at kapatid ko.


Umaasa,

Victoria ng Quezon City


Dear Victoria,


Ang dapat mong gawin para maibsan ang iyong nadaramang pag-aalala at kalungkutan ay umpisahan mo nang mag-move on. Tama, mas mainam marahil kung huwag mo nang intindihin at isipin ang nambabae mong asawa. Sabi nga, “Hindi mo kayang baguhin ang ibang tao, pero ang sarili mo ay mas madali mong magagawang baguhin, at hindi lang baguhin kundi paunlarin at paligayahin dahil sarili mong buhay ‘yan.”


Habang hindi ka pa niya tuluyang hinihiwalayan, sanayin mo na ang iyong sarili na magtrabaho, kahit online lang, basta mag-isip ka ng mapagkakakitaan habang ikaw ay nasa bahay lang sa panahong ito ng pandemya.


Hindi kasi dapat dalawa na ang anak n’yo pagkatapos asa ka nang asa sa mister mo, sapagkat paano kung nagkataong hindi pala matino ang mister mo dahil may babae siya, ano ngayon ang mangyayari?


Tulad ng iyong kinatatakutan, kapag iniwan ka ni mister, parang gumuho nang tuluyan ang buhay mo dahil hindi mo naiprepara ang iyong sarili at ang kinabukasan ng iyong mga anak sa panahong nagloko nang tuluyan ang iyong mister.


Kaya tulad ng nasabi na, kailangang may sarili kang source of income upang kapag tuluyan kang iniwan ng iyong asawa ay hindi ka naman magmukhang kaawa-awa.


Pangalawa, kung patuloy siyang nag-iintrega habang may babae siya, kailangang itabi mo ang sobrang pera o kahit hindi sobra, kailangang matuto kang magtabi o magtipid nang sa gayun ay may panggastos ka habang naghahanap ng sariling pagkakakitaan.


Samantala, salamat, Victoria dahil sa kasalukuyan ay hindi ka pa lubusang iniiwanan ng iyong asawa, pero nararamdaman mo na ngayon na parang doon mauuwi ang inyong relasyon.


Dahil dito, tulad ng nasabi na, ngayon pa lang ay maghanap at mag-isip ka na ng sariling pagkakaitaan upang mabuhay mong mag-isa ang iyong mga anak.


Hinggil sa tanong mong dapat ka bang mag-asawa muli ‘pag tuluyan kang iniwan ng iyong mister? Dapat lang, upang sa parte mo naman ay makasumpong ka ng sarili mong ikaliligaya.


Sa susunod na pag-aasawa, kapag may sarili ka nang ikinabubuhay o trabaho, saka ka mag-asawa, hindi ‘yung iaasa mo na naman ang iyong buhay at kinabukasan ng iyong mga anak sa iyong mapapangasawa. Maghanap ka ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, Taurus o kapwa mo Libra na may birth date na 3, 12, 21, 30, 5, 14, 23, 7, 16 at 25. Sa piling ng lalaking nabanggit, makasusumpong ka na ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page