Halalan, tiyaking hindi mababahiran ng anumang pagdududa
@Editorial | April 4, 2022
Pinawi ng Department of Energy (DOE) ang pangamba ng publiko hinggil sa posibleng pagkakaroon ng rotating brownout sa Luzon sa mismong araw ng eleksyon.
Tiwala ang ahensiya na walang magaganap na power outages sa panahon ng halalan.
Gayunman, dapat pa ring maging handa sa lahat ng mga posibleng mangyari.
Napag-alaman na ang manipis na reserba umano sa kuryente mula sa ikatlong linggo ng Abril hanggang sa huling linggo ng Mayo ay maaaring maging sanhi ng yellow at red alerts, na pagmumulan naman ng rotating brownout.
Tiniyak naman na tatagal nang hanggang 14 oras ang battery life ng mga vote counting machines at may mga naka-standby din na ganito sa mga regional hub ng Comelec sakaling mawalan man ng kuryente sa mga voting precinct sa mismong araw ng botohan.
Ang ganitong senaryo ang isa sa hindi maiiwasang makapagdudulot ng pangamba sa mga botante. Hindi mapipigilan na isiping malagay sa alanganin ang resulta ng halalan, nariyan ang baka may mawalang boto, mapunta sa iba o magkagulo.
Lalo na sa sitwasyon ngayon na talagang mainit ang tunggalian at walang papayag na magkaroon ng iregularidad.
Kaya malaking hamon sa kinauukulan na mapangalagaan ang kabuuang proseso ng halalan at sikaping matutugunan ang anumang problema na maaaring dumating.
Alalahanin natin, sagrado ang botohan, buhay at kinabukasan ang nakasalalay kaya dapat na hindi ito mabahiran ng anumang pagdududa.



Comments