Hackers strikes again, nakupo!
@Editorial | January 26, 2022
Dumale na naman ang mga kawatan.
Ilang titser ang nagreklamo na nawala ang laman ng kanilang bank accounts na sinasabing kagagawan ng mga hackers.
Kaugnay nito, nanawagan na ang Department of Education (DepEd) sa mga guro na nawalan ng pera dahil sa ilang aberya na agad na magsumbong sa kanilang division offices at sa LandBank of the Philippines.
Ayon sa DepEd, sa social media lamang nila nalaman ang pangyayari na may ilang guro ang nawalan ng pera.
Ganundin sa pamamagitan ng grupong Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na nagbulgar na maraming titser ang nawalan ng nasa P26,000 hanggang P121,000 mula sa kanilang payroll accounts sa nasabing bangko.
Nakipag-ugnayan na rin umano sa kanila ang LandBank, kung saan tiniyak nila na kanilang tutugunan ang sinasabing unauthorized withdrawal.
Nauna nang itinanggi ng LandBank na mayroon silang kinalaman sa pagkawala ng pera at pinayuhan ang kanilang kliyente na huwag basta magbigay ng kanilang mga personal na impormasyon sa mga nagpapakilalang empleyado nila.
Sa panahon ngayon, kung mautak ang mga hackers, dapat tayong maging mas maingat at wais.
Alamin ang mga posibleng paraan na ginagamit nila para tayo nakawan. Huwag basta makiki-WiFi kung saan-saan, ‘wag mag-o-open ng mga link na basta na lang ipinapadala sa atin, ‘wag magbibigay ng personal na impormasyon lalo na ang OTP na ginagamit ‘pag may transaksiyon.
Panawagan din sa kinauukulan, sana’y magkaroon ng mas matinding aksiyon laban sa mga hackers ganundin ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga mahuhuli.
Ang hirap na nga ng buhay dahil sa pandemya, sinasamantala pa ng mga taong walang konsensiya.
Alisan ng maskara ang mga hackers, tuntunin ang lahat ng sangkot dito at ang mga utak nito.



Comments