top of page

Habang naka-quarantine sa bahay… Paano ilalabas ang pagka-artistic?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 30, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 30, 2020




Ngayong panahon ng pandemya, limitado na lang ang paglahok ng ilang may talent sa mga patimpalak dahil bawal ang social gatherings. Pero paano kung gusto mong sumikat pero nasa loob ka lang ng bahay. Ngayong quarantine, hindi iyan hadlang sa mga gusto talagang sumikat at magpa-trending sa social media.


Kaya naman ang mga apps ng tiktok, wesing at iba pang paraan para maipakita ang husay ng mga Pinoy sa pagsayaw at pag-awit ay trending na trending. Pero bukod diyan, tiyak na may natatangi pang galing ka na hindi mo pa nadidiskubre sa iyong sarili.


Hindi mo kailangang maging mahusay na manunulat o artist para masabing creative ka na. Ngayong marami ang nasa bahay lamang, marami ang kinakikitaan na ng talent tulad ng paggawa ng magagandang halaman sa isang artistikong banga, nakapagdidiskubre ng mga bagong lutuin o resipe na swak sa panlasa ng millenials, o kaya naman ay bagong dance move. Anumang bagay na naipapahayag ang sarili sa artistikong paraan ay masasabing isang malikhaing galing na ‘yan. Masasabing artistic ka:


1. May abilidad kang i-level up ang lumang kinagawian. Dapat ang pagiging creative o paglikha ay lalong hinahasa pa at pinagbubuti. Gaya na lang halimbawa kung isa kang manunulat, dapat ay magbasa ka pa nang magbasa upang dumaloy sa isipan ang mayamang paglikha ng mga salitang magagamit. Tulad din ng isang iskultor o manlililok dapat laging umuukit para mahasa ang isipan at ang kanyang mga kamay.

Kapag natatagalang gamitin ang naturang aktibidad ay nagbabara raw ang daluyan ng enerhiya.

2. Panaka-nakang magpahinga habang may ginagawa. Madalas na sa ating pagtulog biglang may lalabas na magandang ideya sa panaginip o kaya papasok na lamang sa isipan ang isang artistikong bagay na nakakatulong para sa susunod na malikhang aktibidad.

Kahit sa isang maigsing pagrerelaks ay makatutulong upang magka-ideya pa kung ang trabaho ay paulit-ulit na ginagawa ng nakatayo o nakaupo sa isang lugar.

3. Huwag na huwag iisipin na isang trabaho ang paglikha o pagiging creative. Kahit na kumikita ka sa pagpipinta, kailangang ituring ang isang proyekto na isang likha at hindi dahil ikaw ay kikita ng malaki o magkakapera rito.

Tandaan na minsan lang nagkakaisa ang pagiging creative at pagkita ng malaki, pero hindi sila palaging parehong nangyayari.

4. Musika. Higit na malikhain daw ang tao kapag napapaligiran ng musika. Konektado ang isipan sa tugtugin kahit na walang kinalaman sa musika ang kanilang nililikhang bagay.

Pero okey yan kung iyan ang inspirasyon mo para matapos nang matagumpay ang ginagawa.

5. Kailangan ng mga touch move na diskarte. Magpa-massage o kaya ay mag-warm shower. Makipaglambingan sa minamahal o kaya kahit sa mga alagang aso o pusa na malalambing. Sa oras ng pagrerelaks na ganyan ang creativity impulse ay lumalakas.

6. Iwanan muna ang mga nililikhang bagay, puwedeng maghugas ka muna ng pinggan, maglaba, maglinis ng bahay at habang ginagawa ang mga ito ay maaring makaisip ka kaagad ng bagong lilikhaing mga bagay.


Heto naman ang tips natin kung paanong masasabi sa iba ang saloobin na hindi naman makasasakit sa kanya.


Hindi ba’t madalas sabihan tayo ng ating mga magulang noon na bago ka magbibitaw ng masasakit na salita ay pigilan muna ang dila? Mas mainam na mag-isip muna ng makailang beses bago makapagbitaw ng salita sa kapwa na baka hindi niya magustuhan.


O kaya kung talagang hindi kayang sabihin ay kumuha na lamang ng ballpen at papel at saka isulat ito, pero basahin muna nang paulit-ulit ang sinasabi bago ito ipaabot sa kanya.


1. Pigurahin munang mabuti kung gaano kabigat o kagaan ang iyong kalooban. Ito kasi ang sasala ng iyong saloobin. Halimbawa puwedeng nararamdamam mo na, ‘Nalulungkot ako kapag hindi ako naalalala ng mga kaibigan ko sa aking kaarawan’ o kaya ‘naiinis ako kapag lagi na lang ang kapatid ko ang nananalo sa basketball.’

Ito ang mga bagay na nakatutulong para malaman kung napipigura mo ang sariling nararamdaman. Nalalaman din at least ng taong iyong pinatutungkulan ang impormasyon kung ano ang nakasasagabal sa iyong damdamin.

2. Pumili ng neutral na lugar at oras para makapag-usap. Kailangan bang maging pribado o makipag-usap sa kapatid sa loob ng silid? Kung hirap kang masabi ang iyong nasa isip. Isulat mo ito sa isang pirasong papel.

3. Kung hindi naintindihan ng tao kung ano ang ibig sabihin mo ngayon, sikaping magpaliwanag sa ibang paraan o magbigay ng sampol kung ano ang napapansin mo. May isang bagay na alam mong mas okey, ay sabihin mo ito basta’t sa kalaunan ay hindi ikasasama ng kanyang loob.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page