Gustong matiyak na masaya at matagumpay ang papasuking pag-aasawa
- BULGAR
- Apr 13, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 13, 2022

KATANUNGAN
Paano makikita sa guhit ng palad kung ikaw ay magkakaroon ng maunlad at maligayang pag-aasawa? Malapit na kasi kaming ikasal ng boyfriend ko, pero natatakot ako na matulad ako sa mga kapatid ko at pinanggalingan kong pamilya na naging broken family.
Ano ang nakikita n’yo sa kaliwa at kanan kong palad hinggil sa mangyayari sa papasukin kong pag-aasawa sa darating na June 2022?
KASAGUTAN
Para maging maligaya ang papasuking pag-aasawa, ‘wag mong asahan na palagi kayong magkasundo, hindi nag-aaway at palaging masaya ang inyong pagsasama dahil walang ganu’n. Sa halip, kapag nag-away o hindi kayo nagkakasundo, ‘wag mo agad siyang hihiwalayan. Bagkus, ituring mo ang mga negatibong pangyayaring ‘yun na natural na bahagi ng buhay ng mag-asawa.
Kaya para maging maligaya, asahan mo nang mag-aaway kayo. Subalit hindi ru’n natatapos ang samahan, bagkus, sa pag-aaway at hindi pagkakasundo, ru’n magsisimulang tumatag at maging maligaya ang inyong pamilya. Gayundin, dahil sa mga hindi pagkakaunawaang ‘yun, kusang magma-mature, mas matutong magpasensiya at mas magiging malawak ang pagkatao ng bawat isa.
Hinggil naman sa kung paano malalaman sa guhit ng palad kung magiging maligaya at panghabambuhay na ang pag-aasawa, ganito ‘yun:
Kapag ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ay malinaw, walang putol, bilog, hindi magulo at hindi baluktot, ito ay tanda ng katatagang pang-emosyunal at mapagmahal na indibidwal.
Kapag ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) ay nakatuntong sa Bundok ng Jupiter na tinatawag ding Bundok ng Kaligayahan (arrow b.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay tanda na ang nasabing mag-asawa ay magmamahalan habambuhay.
Iisa lang ang malinaw, mahaba at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay tanda na ang unang lalaki o unang babae na minahal ng nasabing indibidwal ay siya na ring mapapangasawa na magbubunga ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Sa madaling salita, dalawa lang ang pangunahaing tinitingnan kung ang pag-aasawa ay magiging maligaya at panghabambuhay na. Ito ay ang magandang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) at iba pang tanda na sa Heart Line rin makikita, (arrow b.) at ang isa pang tinitingnan ay ang okey at maayos ding Marriage Line (1-M arrow c.) sa kaliwa at kanang palad, na tanda rin ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.
Pansamantala, Charit, ang assignment mo ngayon ay ikaw na ang sumubok na magsuri ng kaliwa at kanan mong palad, gayundin sa lalaking iyong pakakasalan sa darating na June 2022. Kapag presente ang lahat ng palatandaang binanggit na sa itaas, tiyak ang magaganap, best wishes at congratulations sa papasukin n’yong pag-aasawa dahil makatitiyak ng maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama.




Comments