Gustong makasama ang biological mom pero takot na ‘di payagan ng umampon
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 21, 2022
Dear Sister Isabel,
Magandang araw sa inyo.
Gusto kong humingi ng tulong sa inyo tungkol sa problema ko. Isa akong ampon at bagama’t maganda ang pagtrato sa akin ng nakalakihan kong mga magulang, pakiramdam ko ay may kulang pa sa buhay ko.
Gusto kong makapiling ang tunay kong ina, habang namatay na ang tunay kong ama. Hinanap ko siya at natagpuan ko naman, magaan na magaan ang loob ko sa kanya at pareho kaming sabik sa isa’t isa. Gusto naming magkasamang muli sa iisang bubong, pero ang problema ay baka hindi pumayag ang nag-ampon sa akin. Damang-dama ko na mahal nila ako at lubha silang malulungkot kung iiwanan ko sila at sasama na ako sa tunay kong ina.
Ano ang dapat kong gawin? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Carlo ng Laguna
Sa iyo, Carlo,
Mabuti naman at nagkita kayo ng totoo mong ina at naging maayos naman ang pagkikita n’yo. Natural lamang na sabik na kayong magkasama sa iisang bubong.
Makabubuting ipagtapat mo sa umampon sa iyo na gusto mong makapiling ang tunay mong ina. Sa palagay ko ay mauunawaan ka nila at papayag sila sa gusto mo kung hindi mo naman sila tuluyang iiwanan. Ipangako mo na lang sa kanila na dadalaw ka pa rin kahit minsan sa isang buwan o depende sa kondisyong sasabihin nila sa iyo.
Dahil d’yan, makabubuting gumawa ka ng schedule. Hatiin mo ang oras at panahon mo sa umampon sa iyo at sa tunay mong ina. Sa ganyang paraan, lahat ay masisiyahan at magkakaroon ng harmonious relationship.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo





Comments