Gustong magsolo kahit masyonda na para mahiwalay sa walang respeto na anak
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |August 04, 2021
Dear Sister Isabel,
Hindi ko na maitago ang sama ng loob sa aking anak na kasama ko na ngayon sa aking bahay. Nahiwalay silang mag-iina noon kasama ang mga apo ko, pero dahil nagtatrabaho ulit ang manugang ko sa Saudi, nagpasya siyang dito na patirahin ang anak ko kasama mga bata.
Masaya ako nu’ng umpisa pero lumitaw ang tunay na ugali ng anak ko na walang respeto sa akin. Hindi ko madama ang pagmamahal at pagmamalasakit niya mula noon hanggang ngayon.
Mas binibigyang-halaga pa niya ang mga kaibigan niya na walang nagawang malasakit sa kanya kumpara sa akin na nagtiis upang mairaos silang magkakapatid hanggang marating nila ang tagumpay. Nabiyuda ako noong maliliit pa sila, nag-abroad ako upang itaguyod sila at mabigyan ng magandang kinabukasan. Umuuwi lang ako sa Pilipinas every year, tapos babalik agad ako sa abroad.
Sister Isabel, hirap na hirap na ako sa ugali ng anak kong ito. Ang dami niyang gustong ipagawa sa akin, pero dahil sa edad at katandaan, nahihirapan na rin ang aking katawan.
Ayaw ko siyang makasagutan, kaya hindi ko na lang pinapansin. Isa pa, tiyak na hindi siya magpapatalo sa katwiran at sasama lang ang loob ko.
Napakahirap talagang maging ina, may mga bagay na mahirap intindihin ng mga anak. Palagi lang niyang isinusumbat na iniwan ko silang magkakapatid at kahit sabihin kong hindi ko naman gustong malayo, hindi pa rin nila matanggap ang paliwanag ko.
Akala ko ay magiging maligaya na ako ngayon at tanggap na niya ang pagsubok na dumating sa amin noon, pero hindi pa pala. Wala pa rin siyang respeto at pagmamahal sa akin.
Ibig ko na silang iwanan sa bahay na tinitirahan namin ngayon. Tutal may sarili naman akong bahay sa probinsiya, mas makabubuti siguro ‘yun kaysa mabuhay nang may sama ng loob sa sarili kong anak. Sana ay mapayuhan ninyo ako upang lumuwag-luwag naman ang kalooban ko.
Nagpapasalamat,
Marilyn ng Cabanatuan
Sa iyo, Marilyn,
Sadyang nakakalungkot ang kalagayan mo sa piling ng anak at apo sa kasalukuyan. Lalo pa nga sa kalagayan mo na kailangan mo na ang pag-alalay at pagmamalasakit ng sariling anak na sinikap mo namang maitaguyod nang nag-iisa dahil maagang namatay ang ama nila. Subalit baligtad sa inaasahan, wala kang nadamang pagmamalasakit at pagmamahal. Ang maipapayo ko sa iyo, Marilyn, kung kaya mo pang magsarili at mamuhay nang mas maluwag sa iyong kalooban, ‘yan ang gawin mo. Mahirap mabuhay nang may kinikimkim na sama ng loob. Kung minsan o sabihin na nating kadalasan sa panahon ngayon, mas pinipili pa talaga ng mga oldies na humiwalay ng tirahan sa sariling anak at mamuhay nang maluwag ang kalooban sa piling ng isang taong mapagkakatiwalaan at magmamalasakit sa kanila nang lubusan. Pagpalain ka nawa ng Diyos Amang kataas-taasan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments