Gustong magkapamilya pero hirap dahil sa dual personality disorder
- BULGAR
- Nov 14, 2022
- 1 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 14, 2022
Dear Sister Isabel,
Nawa’y palagi kayong nasa mabuting kalagayan, gayundin ang inyong pamilya at mga kasamahan d’yan sa BULGAR.
Ang problema ko ay tungkol sa aking pagkatao dahil ako ay may dual personality, kung saan puwede akong lalaki at puwede ring babae. Hindi ko alam kung bakit nagkaganito ako at nahihirapan na ako.
May time na hindi ko mapigilan ang pagiging lalaki ko at may mga pagkakataon ding babaeng-babae ako. Hindi ko tuloy alam kung mag-aasawa ako at lalagay sa tahimik.
Pero sa totoo lang, gusto kong magkaroon ng sariling pamilya at mamuhay nang may isang nagmamahal habambuhay sa piling ng aming magiging mga anak, pero naguguluhan talaga ako sa aking pagkatao at hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Sana ay mapayuhan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Brenda ng Albay
Sa iyo, Brenda,
Nauunawaan ko ang hangarin mo na magkaroon ng sariling pamilya at mamuhay nang maligaya sa piling ng magiging asawa at mga anak mo.
Sa palagay ko ay makakatulong sa iyo ang pagkonsulta sa eksperto tulad ng psychologist. Tiyak na maipapaliwanag niya nang lubos ang iyong kondisyon at siya na rin ang magsasabi sa iyo kung paano ka magiging normal na nilalang. Huwag kang mahiyang lumapit sa eksperto at gawin mo na ito ngayon dahil may pag-asa pang matupad ang pangarap mo na magkaroon ng masayang pamilya.
Marami akong kilala na tulad mo, pero nakatagpo ng katapat nila sa buhay at may mga anak na sila ngayon. Natitiyak kong ganyan din ang mangyayari sa iyo, kung saan makakatagpo ka ng magpapaligaya sa buhay mo na siyang magiging kabiyak ng iyong puso.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments