Gustong idemanda ang ex ng dyowa dahil naninira
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig |Pebrero 20, 2023
Dear Sister Isabel,
Magandang araw sa inyo. May problema ako sa bago kong dyowa.
May dati siyang karelasyon, pero hiniwalayan niya dahil matanda na at hindi na siya maligaya. Gayunman, ginugulo kami ng ex niya at ayaw kaming patahimikin. Hindi siya kasal du’n, kaya tinanggap ko ang pag-ibig ng bago kong boyfriend.
Maligaya kami at compatible sa lahat ng bagay. Gusto ko nang ipabarangay ang ex niya dahil sa sobrang konsumisyon na dinaranas ko dahil sa kanya. Gusto ko rin siyang idemanda ng paninirang puri dahil sobrang naaapektuhan ang reputasyon ko.
Tama ba ang gagawin ko? Nawa’y mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Virgie ng Los Baños
Sa iyo, Virgie,
Makabubuting ituloy mo ang balak mong pagpapa-barangay sa kanya para matigil na siya. Kung hindi pa rin siya titigil, ituloy mo ang demandang paninirang puri.
Dapat ding kausapin siya mismo ng dyowa mo. Makipaglinawan siya at kung may atraso man siya sa ex niya, ayusin niya muna ito upang kayo ay matahimik na.
Sa kabilang banda, hindi ka ba natatakot na isang araw ay iwan ka rin ng karelasyon mo gaya ng ginawa niya sa ex niya? Mag-isip-isip ka muna bago mo ihulog nang husto ang iyong loob sa karelasyon mo ngayon na nang-iwan ng dyowa dahil hindi na siya nasisiyahan.
Muli, mag-isip-isip ka dahil may posibilidad na gawin din niya ‘yan sa iyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments