top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Gusto nang tumigil sa pagbebenta ng droga, takot ipatumba ng boss

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 3, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 3, 2021



Dear Sister Isabel,


Akala ko ay kaya kong sarilihin ang problema ko, pero hindi pala. Parang puputok na ang ulo ko at nagsisikip palagi ang dibdib ko, kaya naisip kong sumangguni sa inyo. Isa ako sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. May asawa ako at dalawang anak. Hindi ko na rin alam kung saan kukunin ang panggastos ng aking pamilya dahil umi-extra akong tricycle driver pero kakarampot lang ang kita na kapos sa araw-araw naming gastusin. Dahil dito, lingid sa kaalaman ng asawa ko, naengganyo akong magbenta ng bawal na gamot at palihim ko itong ginagawa at malaking tulong ito sa kabuhayan namin. Nakakaraos na kami ngayon at hindi na dumaranas ng gutom, pero medyo nakakahalata na ang asawa ko dahil palagi akong may pera, gayung alam niya na umi-extra lang ako sa pagta-tricycle.


Maingat ako sa pagbebenta at mahusay akong dumiskarte, pero naisip ko na malaking problema ang kakaharapin ko ‘pag nagkabistuhan kaya naisip kong itigil na ang gawaing ito, tutal may naipon naman na ako. Subalit ang ikinakatakot ko, ‘pag nalaman ng boss namin na titigil na ako sa pagbebenta, baka ipatumba nila ako sa pag-aakalang ituturo ko sila sa mga awtoridad, bagay na hindi ko naman kaya at wala akong balak gawin.


Ano ang dapat kong gawin upang makawala na sa napasukan kong ito? Magulo ang isip ko ngayon at hindi ako mapanatag, pero gusto ko nang lumagay sa tamang landas. Sana ay matulungan n’yo akong mapagaan ang problemang dinadala ko sa kasalukuyan.



Nagpapasalamat,


Roberto ng Roxas City


Sa iyo, Roberto,


Mabigat at maselan nga ang problema mo, pati ako ay napabuntong hininga at nag-isip nang malalim. Marahil, makabubuti na hangga’t hindi pa nagkakahulihan ay lumipat na kayo ng tirahan ng pamilya mo at magbagong buhay ka na. Itigil mo na ang pagbebenta ng bawal na gamot at ilayo mo na ang iyong pamilya r’yan. Mas mainam kung may probinsiya kang malilipatan na malayo sa tinitirahan n’yo ngayon at gawin mo ito sa lalong madaling panahon.


Hindi ka naman marahil hahabulin ng boss mo dahil hindi ka big time seller. Ipanatag mo ang iyong isipan at humingi ka ng tawad sa Diyos sa ilegal na gawaing napasukan mo. Mangako ka sa Diyos na tuluyan ka nang magbabagong buhay at humiling na nawa’y gabayan at iligtas ka sa kapahamakan sa susunod na mga araw, lalo na sa gagawin mong paglipat ng tirahan na malayo sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot sa lugar na kinaroroonan mo.


At sa lilipatan mong lugar, sana ay tuluyan ka nang tumahak ng tamang landas at huwag nang maisipan pang muling pasukin ang gawaing alam mo namang mapanganib at delikado. Kalakip nito ang taimtim kong panalangin na malagpasan mo ang problemang gumugulo sa iyong isipan.


Sa paniniwala, katatagan at pananampalataya sa Diyos, malalagpasan mo anumang pagsubok.



Sumasaiyo,


Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page