top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Gunitain ang tikas ng Batang Gilas habang nasa GCQ

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 9, 2020
  • 2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | July 9, 2020




Dahil bawal muna lumabas ang mga menor de edad sa ilalim ng mga quarantine ng pamahalaan, hindi muna magaganap ang mga programang grassroots ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). Balikan natin ang Batang Gilas na lumaban para sa bayan sa 2015 FIBA Asia Under-16 Championship sa Jakarta, Indonesia na nagsilbing daan para makilala sina Sean Ildefonso at Juan Gomez de Liano.


Ang dalawa ay ilan sa mga pinakabata sa koponan na binubuo ng mga pinanganak ng 1999 pataas at ginabayan ni Coach Michael Oliver. Nagtapos sa ika-limang pwesto sa 16 bansa ang mga Pinoy matapos talunin ang Lebanon sa huling araw ng torneo, 89-74, sa likod ng 12 puntos at 10 rebound ni Ildefonso.


Maganda ang simula ng Batang Gilas at winalis ang Bahrain (98-58), Thailand (70-51) at Hilagang Korea (20-0) sa Round One at Iraq (78-69) sa simula ng Round Two. Nalasap nila ang unang talo sa kamay ng Timog Korea, 74-77, pero bumawi at ginulat ang Tsina, 78-72, para makapasok ng quarterfinals.


Sa kasamaang palad, lumuhod ang Pilipinas sa Japan, 66-73. Binuhos ng Batang Gilas ang kanilang galit sa Thailand, 81-46, para makalaro ang Lebanon para sa ika-limang pwesto.


Malaki ang inaasahan kay Ildefonso na anak ng alamat ng PBA na si Danny Ildefonso. Pagkatapos ng torneo ay lagi siyang kasama sa mga sumunod na edisyon ng Batang Gilas pati ang huli na sumabak sa FIBA Under-19 World Cup sa Gresya.


Tinapos ni Gomez de Liano ang torneo na may 8.5 puntos, 4.0 rebound at 1.5 assist pero mula roon ay masasabing inunahan at nilampasan na niya ang kanyang kakampi dahil siya pa lang ang nakuha para sa Gilas. Kasama siya sa 2021 FIBA Asia Cup qualifier noong Pebrero kontra sa Indonesia kung saan nag-ambag siya ng 10 puntos sa 100-70 na tagumpay.


Ang iba pa nilang mga kakampi noong 2015 ay sina SJ Belangel, Jason Credo, Gian Mamuyac, Will Gozum, Harvey Pagsanjan, Jonas Tibayan, Jethro Publico, Aveen Flores, Ralph Escalona at JM Lagumen. Si Belangel ang namuno sa koponan na may 11.3 puntos at 5.1 assist sa walong laro habang si Gozum ang nanguna sa rebound na may 6.4 sa walong laro.


Itong darating na taon ay hindi muna mapapanood ng kanilang mga tagahanga ang dalawa sa UAAP. Nagpasya si Gomez de Liano na hindi maglaro para sa University of the Philippines ngayong Season 83 habang kailangan umupo si Ildefonso matapos siya lumipat ng Ateneo de Manila University galing National University.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page