Gugupitan ng kuko ng kakilalang patay na, sign na pahalagahan ang kalinisan sa katawan
- BULGAR

- Jul 14, 2020
- 2 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 14, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Aguilon Gensis na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng panaginip na gugupitan ako ng kuko ng kakilala kong patay na?
Naghihintay,
Aguilon Gensis
Sa iyo Aguilon Gensis,
May ilang pagkakaiba ang tao kung ikukumpara sa iba pang may buhay. Kaya ang pagkakaibang ito ay nagsasabi na ikaw ay tao o tayo ay tao. Kumbaga, ang ibang may buhay, halaman man o hayop at iba pa, malaki ang pagkakaiba.
Isa sa mga ito ay kapag tao, nagma-manicure at pedicure. Hindi hinahayaan ng tao na humaba ang kanyang mga kuko. Tao lang ang may ganitong katangian na kung tawagin ay personal hygiene.
Sa biglang tingin, ang pagma-manicure at pedicure ay para lang sa pagpapaganda at ito ay parang walang kinalaman sa hygiene. Pero ang tunay na dahilan kung bakit dapat ayusin ang mga kuko o huwag pahabain ay dahil kapag mahaba ang mga kuko, maaari itong kapitan ng mikrobyo.
Mahirap paniwalaan na ang mga tao, lalo na ang mga babaeng mahahaba ang kuko ay sakitin dahil hindi nila namamalayan na may dala-dala na silang mikrobyo. Noong wala pang COVID-19, ang isa pang mahirap paniwalaan ay kapag mahaba ang kuko ng babae, siya ay pigsain o madalas magkapigsa.
Dahil hindi naman maiiwasan na ang daliri o kuko ay mapunta sa mukha o iba pang bahagi ng katawan, na kapag may mikrobyo sa kuko o daliri, magugulat pa ang maganda at sexy na babae dahil siya ay may pigsa na pala.
Siyempre, ganundin sa kalalakihan na hindi marunong magpahalaga sa kalinisan ng mga daliri at kuko.
Ngayong may COVID-19, mas magandang maiksi ang kuko ng mga tao nang walang mapuntahan ang virus sa mga kuko o daliri. Kaya mapapansin na ang sabi, kapag maghuhugas ng mga kamay, isama ang ilalim ng mga kuko nang makatiyak na malinis ang mga ito.
Pakinggan mo ang mensahe ng iyong panaginip. Keep on living with proper hygiene na tungkol sa manicure at pedicure.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments