Search
  • BULGAR

Green, Gordon, McGee at Randle, nangibabaw sa NBA

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 4, 2020





Solo na ng Philadelphia 76ers ang liderato ng Eastern Conference ng NBA matapos patahimikin ang bisitang Charlotte Hornets, 127-112, kahapon sa Wells Fargo Center. Umangat sa 5-1 ang 76ers at pumantay sa Phoenix Suns ng Western Conference para sa pinakamataas na kartada ng liga.


Minsan lang tumabla ang Hornets, 8-8, biglang lumayo hanggang 17 puntos ang 76ers bago matapos ang first quarter at hindi na bumitaw, 36-19, sa likod nina Danny Green at Tobias Harris na gumawa ng pinagsamang 20 puntos. Nagtapos si Harris na may 24 puntos at 9 rebound at sinundan ni Seth Curry na may 21 puntos at Joel Embiid na may 19 puntos.


Hinila pababa ng Oklahoma City Thunder mula sa hanay ng liderato ang Orlando Magic, 108-99, sa likod ng magandang ipinakita nina Darius Bazley at George Hill sa second half. Nagtapos si Bazley na may 19 points habang may 18 puntos at 5 assist si Hill.


Ganyan din ang naging kapalaran ng Atlanta Hawks at Indiana Pacers matapos mabigo sa kanilang mga kalaro. Magkakasama na ang Magic, Hawks at Pacers sa 4-2.


TInala ni Collin Sexton ang pito sa huling 8 puntos ng Cleveland Cavaliers sa huling 27 segundo upang talunin ang Hawks, 96-91. Namuno si Sexton na may 27 puntos at malaki ang ambag ni sentro JaVale McGee na 14 puntos.


Kinailangan ng New York Knicks ang mga mahalagang buslo nina Julius Randle at Austin Rivers at apat na free throw ni RJ Barrett upang patirin ang Pacers, 106-102. Bumida si Barrett sa kanyang 25 puntos habang may 19 puntos at 8 rebound si Elfrid Payton.


Kahit wala si James Harden, ginawan ng paraan nina John Wall at Eric Gordon na ihatid ang Houston Rockets sa ikalawang sunod na panalo kontra sa Sacramento Kings, 102-94. Bilang kapalit ni Harden na napilay sa nakaraan nilang laro, ipinasok ni Gordon ang 16 ng kanyang 21 puntos sa second half para lumayo nang tuluyan ang Rockets at tulungan si Wall na nagtapos na may 28 puntos.


Winasak ni Eric Bledsoe ang 113-113 tabla ng kanyang tres at sinundan ng apat na free throw ni Brandon Ingram upang sumama ang New Orleans Pelicans sa mga nanalo kontra sa Toronto Raptors, 120-116. Nagtapos si Ingram na may 31 puntos at sinundan siya ni Zion Williamson na may 21 puntos at 7 rebound para sa pang-apat na tagumpay ng Pelicans sa anim na laro.


Samantala, nagdadalamhati ang NBA sa pagpanaw ng ginagalang na Hall of Fame player at coach na si Paul Westphal sa edad na 70 matapos ang pakikipaglaban sa brain cancer. Kabilang si Westphal sa Boston Celtics na nagkampeon noong 1974 subalit mas nakilala siya bilang bituin ng Phoenix Suns kung saan nagsilbi rin siyang coach at umabot ng 1993 Finals.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.