top of page

Golfer Pagdanganan at Ardina maganda ang simula sa golf

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 8, 2024
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 8, 2024


Sports News
Photo: Circulations / FB

Pumalo ng magandang simula si Bianca Pagdanganan sa Paris 2024 Women’s Golf Individual Stroke Play Miyerkules ng gabi sa Le Golf National. Pumalo ang Pinay ng even-par 72 upang mapabilang sa malaking grupo ng mga manlalaro na tabla sa ika-13 puwesto.


Uminit si Pagdanganan sa huling pitong butas kung saan nagtala siya ng birdie sa ika-12, 15 at 18. Nabura nito ang kanyang mga bogey sa ika-apat, lima at pitong butas para sa iskor na 39 matapos ang unang siyam.


Hindi malayo ang kakamping si Dottie Ardina na nagsumite ng four-over 76 para malagay sa grupong tabla sa ika-40 puwesto sa kabuuang 60 kalahok. Isang double bogey sa ika-15 ang humila pababa sa kanya at kahit bumawi sa birdie sa sumunod na butas ay nag-bogey siya ika-18 at huling butas.


Nakasabay ni Pagdanganan sa kanyang flight sina Morgane Metraux ng Switzerland (70) at Azahara Munoz ng Espanya (78). Nakalaro ni Ardina sina Madelen Stavnar ng Norway (76) at Noora Komulainen ng Finland (84).


Pitong stroke ang hahabulin ni Pagdanganan sa maagang numero uno Celine Boutier ng host Pransiya na pumalo ng 65. Pumapangalawa si Ashleigh Buhai ng Timog Aprika sa 68 habang tabla sina Gaby Lopez ng Mexico, Mariajo Uribe ng Colombia, Lilia Vu ng Estados Unidos at kasabay na si Metraux sa 70.


Gaganapin ang Round 2 ngayong Huwebes simula 3:00 ng hapon. Kabilang si Pagdanganan sa pangalawang papalo sa 3:11 habang lalaro si Ardina sa huling grupo sa 6:39 ng gabi.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page