top of page
Search
BULGAR

Golfer Go nagkampeon sa Hainan Open Tour

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | April 17, 2024




Isang malupit na eagle at dalawang birdies sa homestretch ang sinakyan ni Lloyd Jefferson Go ng Pilipinas upang tuldukan ang isang coast-to-coast na tagumpay sa Hainan Baoting Open Golf Tournament sa China kamakailan.

 

Ang unang kampeonato ni Go sa labas ng bansa bilang propesyunal ay impresibong panundot ng Cebuano sa kanyang panalo sa loob ng Pilipinas may tatlong linggo pa lang ang nakararaan. Nagiging solido na rin ang taon ng Pinoy matapos itong pumasok sa 2023 Asian Development Tour top 10.

 

Kabuuang 22-under-par 266 strokes ang naiposte ng Pinoy parbuster pagkatapos ng 4 na rounds. Galing ito sa kartadang 67-65-65-69 na nagresulta naman sa mapanghiyang anim na palong bentahe kontra sa sumegundang si Yanhan Zhou (272) ng China at 7 strokes laban kay Taiwanese Yi-Tseng Huang (273).

 

Bukod sa Pilipinas, China at Taiwan, nag-ambisyon ding magmarka pero nabigo sa paligsahan ang mga golfers mula sa Germany, South Korea, Singapore at Canada.

 

Sa pagpasok sa huling araw ng kompetisyon, prente sa pagkakaupo sa unahan ng pulutong ang Pinoy. Pero inalat si Go sa malaking bahagi ng round 4 nang tumama sa kanya ang bogey (hole 6) at triple bogey (hole 10). Dahil dito ay nabawasan nang husto ang dating 8 strokes na agwat. Sa puntong ito, nakita ang kalibre ng tunay na kampeon at bumalikwas ang pambato ng Pilipinas nang umusok ito sa pang-14 (eagle), -16 (birdie) at -18 (birdie) na mga butas.

 

Pagkatapos ng apat na araw ng paghataw sa mga fairways ng Shangda International Golf Club,  ipinagkaloob kay Go ang halagang CNY 170,000 bilang kampeon habang CNY 110,000 at CNY 63,000 naman ang ibinulsa nina Zhou at Huang ayon sa pagkakasunod-sunod dahil sa kanilang pagpasok sa podium.

 

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page