Gobyerno, dapat todo-kayod sa pagbangon ng agrikultura
@Editorial | October 3, 2022
Nasa kabuuang P3.077 bilyon ang halaga ng mga nawasak na pang-agrikultura dulot ng Bagyong Karding.
Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit P14.141 milyon ang napinsala sa livestock, poultry, at fisheries.
May 104,500 na mga magsasaka at mangingisda at 166,630.11 hektaryang sakahan ang naapektuhan ng bagyo.
Maraming kabuhayan na naman ang nawasak, hindi pa man nakakabangon sa pandemya, bagsak na naman ang agrikultura.
Batid naman natin na 'pag nalagay sa alanganin ang agrikultura, apektado ang buong bansa. Limitado ang supply, magtataasan ang presyo ng mga bilihin — domino effect.
Kaya panawagan sa gobyerno, magdoble-kayod sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasa sektor ng agrikultura. Kung may sapat na pondo pang-ayuda, ibigay na.
Kasabay nito, bantayan din ang mga mang-aabuso sa sitwasyon. Alam naman natin na hindi pa rin nawawala ang mga mapanlamang sa kapwa. Hindi na nga nakakatulong, nang-aabuso pa.
Nakakalungkot, hindi pa nga nakakabangon sa pandemya, pinabagsak pa ng kalamidad ang ating kabuhayan. 'Ika nga, medyo inaalat pa rin tayo ngayon, pero tiis lang at dagdag-tiyaga pa, makakaraos din.
Palagi nating isipin, habang may buhay, may pag-asa.



Comments