Gobyerno, dapat mas handa sa krisis sa petrolyo
- BULGAR

- Mar 5
- 1 min read
by Info @Editorial | March 5, 2026

Habang tumitindi ang tensyon sa Middle East—lalo na sa pagitan ng Iran at Israel—inaasahang tataas na naman ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
At tulad ng dati, ang Pilipinas na umaasa sa inaangkat na langis ang agad na tatamaan. Ang resulta, posibleng magtaas-pasahe sa halos lahat ng pampasaherong sasakyan.
Walang ibang sasalo sa dagdag-singil kundi ang ordinaryong mamamayan.
Ang minimum wage earner na halos kulang pa ang sahod sa pang-araw-araw na gastusin, mapipilitang maglabas ng mas malaking pamasahe.
Ang estudyante, babawasan ang baon. Ang maliliit na negosyo, magtataas din ng presyo para makasabay. Sunud-sunod na epekto ito na lalong magpapabigat sa buhay ng marami.
May punto ang mga tsuper at operator. Hindi nila kayang pasanin mag-isa ang pagtaas ng petrolyo. Ngunit ang paulit-ulit na solusyon na ipasa ang gastos sa pasahero ay patunay ng mas malalim na problema: kawalan ng matibay at pangmatagalang plano sa enerhiya at transportasyon.
Hanggang kailan tayo aasa sa imported na langis? Hanggang kailan laging krisis ang sagot sa bawat paggalaw ng presyo sa ibang bansa?
Hindi sapat ang pansamantalang subsidiya at pa-press release na ayuda. Kailangan ng malinaw na hakbang—palakasin ang mass transport, mag-invest sa alternatibong enerhiya, at magpatupad ng sistemang hindi agad bumabagsak sa bawat sigalot sa ibang panig ng mundo.
Ang gulo sa Middle East ay wala sa ating kontrol. Pero ang kahinaan ng ating sistema ay atin nang responsibilidad.


Comments