top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Gobyerno, dapat mag-isip ng solusyon sa food shortage, 'wag puro import

Writer: BULGAR
BULGAR
May 17, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 17, 2023


Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-aangkat ng karagdagang 150,000 metric tons (MT) ng asukal upang dagdagan ang suplay sa bansa at ma-stabilize ang presyo nito sa merkado.


Ang pag-apruba ng Pangulo ay dahil sa rekomendasyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na mag-angkat ng naturang produkto.


Ayon sa Pangulo, ang pag-aangkat ng asukal ay bukas sa lahat ng mga mangangalakal.


Base sa SRA forecast inventory, ang bansa ay magkakaroon ng negative ending stock na 552,835 MT sa katapusan ng Agosto ngayong taon, na katapusan ng milling season.


Binigyang-diin ng SRA na ang pag-aangkat ng 100,000 MT hanggang 150,000 MT ng asukal ay kinakailangan upang maiwasan ang kakulangan ng suplay.


Bagama’t may sapat umanong suplay ng raw sugar na 160,000 MT hanggang noong Mayo 7, 2023, kakailanganin pa ring mag-import ng karagdagang 100,000 MT hanggang 150,000 MT ng asukal ngayong taon.


Ayon sa SRA, dahil inaasahan na ang local production na 2.4 million MT at 440,000 MT ay ma-import sa ilalim ng Sugar Order No. 6, gayundin ang 64,050 MT sa ilalim ng Minimum Access Volume (MAV) mechanism, hindi sapat ang suplay para matugunan ang 3.1 milyon MT na demand.


Sa totoo lang, kung puro import ang gagawin ng gobyerno, kawawa ang ating mga local farmers dahil wala na silang kikitain. Mag-import man o hindi, alam naman natin na ganu’n pa rin ang presyo ng asukal at hindi naman ito bababa.


Malaki na ang kinikita ng gobyerno sa pag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa, sa halip na tulungan ang ating mga magsasaka sa kanilang pangangailangan upang magkaroon ng food security ang bansa.


Kung patuloy ang pag-iimport natin ng mga produkto, tiyak na makakapasok ang mga smugglers.


Kung walang import, hindi makakaporma ang mga smugglers.


Pakiusap sa ating gobyerno, huwag puro import ang gawing solusyon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page