Gobyerno, dapat lang na pasayahin at bigyang ginhawa ang bawat Pinoy
@Editorial | June 25, 2022
Ilang tulog na lang magpapalit na ng administrasyon.
Maraming Pinoy ang umaasa na kasabay nito ay panibagong simula na puno ng pag-asa. ‘Yung tuluyan nang makabangon sa pandemya.
Kaugnay nito, may pakiusap si Pangulong Rodrigo Duterte kay President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Ito ay ang ipagpatuloy sana ang mga proyektong nagpapasaya sa sambayanang Pilipino.
Hinikayat pa ng Pangulo ang mga mambabatas na ilako kay Marcos ang kanyang mga proyekto tulad ng pabahay para sa mahihirap, biktima ng bagyo at iba pang uri ng kalamidad, mga indigenous people at mga dating rebelde na sumuko sa pamahalaan.
Una nang sinabi ni Marcos na itutuloy niya ang mga programang nasimulan ni
Pangulong Duterte gaya ng Build, Build, Build program at anti-drug war.
Ganito naman talaga dapat ang gobyerno, magpalit man ng pamunuan, tuloy pa rin ang magagandang proyekto at programa. Kung may mga dapat baguhin para maging mas kapaki-pakinabang, gawin lang.
Hindi naman ito usapin kung kaninong administrasyon nagawa ang isang proyekto, unang-una, ito ay trabaho ng mga opisyal ng gobyerno. Ang bawat sentimo na ginagastos dito ay mula sa bulsa ng taumbayan. Marapat lang na may gawin silang nakapagpapasaya at nakapagpapaginhawa sa mamamayan.
Sa kabila ng mga pagsubok, nakakatuwa na nagtitiwala pa rin ang taumbayan sa pamahalaan. Naroon pa rin ang pag-asa kasabay ng pagsisikap.



Comments